Meta nakaranas ng global outage ng Facebook at Instagram
Dumanas ang Meta ng isang lubhang hindi pangkaraniwang outage ng lahat ng kanilang social media platforms, kung saan na-lock out ang accounts ng mga user ng Facebook, Instagram at Threads.
Bandang alas-12:00 US east coast time (1700 GMT), ang mga site ay tila nagbalik na sa normal, mga dalawang oras makaraang lumitaw ang unang report ng outage.
Sa isang post sa X ay sinabi ni Meta spokesman Andy Stone, “Earlier today, a technical issue caused people to have difficulty accessing some of our services. We resolved the issue as quickly as possible for everyone who was impacted, and we apologize for any inconvenience.”
Ayon sa DownDetector website, ang mga report na down ang Facebook ay umabot sa humigit-kumulang 500,000 bandang 1530 GMT. Ang Instagram ay umabot naman sa humigit-kumulang 70,000 reports sa kapareho ring oras.
Ang Threads, na karibal ng Twitter at inilunsad noong 2023, ay napaulat na dumanas din ng outages, bagama’t ang WhatsApp, na messaging service ng Meta, ay hindi naapektuhan.
Nakaranas na rin ng katulad na outage ang Facebook noong October 2021 na iniuugnay sa technical issues, hindi sa isang security hack na una nang pinangambahan.
Sa kasagsagan ng outage incident nitong Martes, ang status page ng Facebook na para sa mga advertiser, ay nagsabi na ang site ay dumaranas ng “major disruptions” at “naghahanap na ang engineering teams ng paraan upang hangga’t maaari ay agad itong maresolba.”
Ang mga user na nagtangkang i-access ang Facebook ay inatasang mag-log in ngunit hindi naman makapag-sign in gamit ang tama nilang password.
Sa Instagram, ay hindi naman ma-refresh ng mobile users ang kanilang feeds.
Sinabi din sa mga ulat, na ang virtual reality headsets ng Meta ay nagkaproblema rin, makaraang hindi payagan ng Horizon World platform ng device na makapag-sign in ang users nito.
Ang Facebook ang pinakamalawak na social media platform, na may tatlong bilyong active monthly users.
Ang Instagram ay may nasa 1.35 billion users, ayon sa latest data.
Ang X, dating Twitter, ay nakakita ng pagtaas sa kanilang online activity dahil na-lock out ang users sa Meta sites.
Nakatuon naman ang US media sa katotohanang ang outage ay nangyari sa Super Tuesday, ang araw na milyong tao ang bumuboto sa primaries sa 15 mga estado at isang teritoryo.