Dating SC Justice Antonio Carpio iminungkahi na magtayo ang Pilipinas ng civilian lighthouse at marine research center sa Ayungin Shoal
Ipinanukala ni retired Supreme Court Associate Antonio Carpio sa gobyerno na gawing sibilyan ang mga aktibidad sa Ayungin Shoal sa harap ng pinakahuling mapanganib na aksyon ng Tsina laban sa mga barko ng Pilipinas na magdadala ng mga suplay sa BRP Sierra Madre.
Sinabi ni Carpio na ito ay para makapaghain ng karagdagang kaso ang Pilipinas sa arbitral court laban sa mga agresibong hakbangin ng Tsina sa Ayungin Shoal na paglabag sa safety at sea sa ilalim ng international law.
Ayon sa dating mahistrado, isang military activity ang resupply mission kahit pa ang nagsasagawa nito ay ang Philippine Coast Guard at civilian vessels dahil ang BRP Sierra Madre ay barko ng Philippine Navy.
Aniya, walang hurisdiksyon ang UNCLOS sa mga military action.
Bilang long term plan ay iminungkahi ni Carpio na magtayo ang Pilipinas ng lighthouse sa Ayungin Shoal na pangangasiwaan ng PCG at isang marine research center na mga sibilyan ng aktibidad.
Sa oras aniya na panghimasukan o pigilan ng Tsina ang resupply operations sa lighthouse ay puwede na itong idulog sa UNCLOS para maatasan ang China na ihinto ang mga aksyon nito.
Hinimok din ni dating Justice Carpio ang gobyerno na isabay ang joint patrol ng US at Pilipinas sa resupply mission sa Ayungin Shoal.
Ayon pa kay Carpio, puwede rin dagdagan ang mga escort na PCG vessels at maging ang mga barko ng Philippine Navy sa pagdadala ng suplay sa naval vessel.
Tiwala naman si Carpio na hindi gagawa ng armadong pag-atake ang Tsina dahil batid nito ang Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
“China will not undertake an armed attack to trigger the defense treaty because they want to win the South China Sea without firing a single shot and they have been successful so far by just intimidating everybody,” ani Carpio
Aminado naman ng National Security Council na hindi basta-basta mai-invoke ang MDT dahil ito ay may kaakibat na high level consultation sa pagitan ng US at Pilipinas.
Samantala, muling nilinaw ni DFA Spokesperson Ma. Teresita Daza na walang pinasok na kasunduan ang Pilipinas at Tsina para iabandona ang mga karapatan nito sa West Philippine Sea kabilang na sa Ayungin Shoal.
Moira Encina