Sundalong Amerikano arestado sa pagbebenta ng defense secrets sa China
Arestado ang isang US Army intelligence analyst dahil sa umano’y pagbibigay ng national defense information sa China.
Sinabi ng Justice Deparment, na si Sergeant Korbein Schultz, na may hawak ng isang top-secret security clearance, ay ikinustodiya sa Fort Campbell, isang military base sa Kentucky-Tennessee border.
Hindi tinukoy sa demanda laban kay Schultz, ang bansa na umano’y sinusuplayan niya ng sensitibong military information, ngunit tinukoy sa press reports na ito ay China.
Ayon sa demanda, simula pa noong June 2022, ay nagbibigay na si Schultz ng mga dokumento sa kaniyang kontak sa Hong Kong, mga mapa at mga larawan na may kaugnayan sa US national defense.
Diumano, si Schultz ay binabayaran ng kabuuang $42,000 para sa impormasyon.
Sinabi ng Justice Department na kasama rito ang impormasyon tungkol sa mga potensyal na plano ng US sakaling sumailalim ang Taiwan sa pag-atake ng militar.
Kabilang din ang mga dokumento na may kaugnayan sa fighter aircraft at helicopters, hypersonic equipment, High Mobility Artillery Rocket System (HIMARS) at mga pag-aaral tungkol sa US at Chinese military.
Ang pagsasakdal kay Schultz ay nangyari ilang sandali matapos maaresto sa California ang dalawang marino ng US Navy sa mga kaso ng pang-eespiya para sa China.
Ang peti officer na si Wenheng Zhao ay sinentensiyahan ng 27 buwang pagkakulong nitong Enero, matapos umamin na guilty sa mga kaso ng pakikipagsabwatan sa isang dayuhang intelligence officer at pagtanggap ng suhol.
Si Zhao at isa pang US sailor, na si Jinchao Wei, ay naaresto noong Agosto.