Operasyon ng PNR pansamantalang hihinto simula sa Marso 28
Ititigil pansamantala ng Philippine National Railways (PNR), operasyon ng kanilang Governor Pascual-Tutuban at Tutuban-Alabang simula sa Marso 28.
Sa isang pahayag ay sinabi ng PNR na ito ay upang bigyang daan ang konstruksiyon ng North-South Commuter Railway (NSCR) project.
Ayon sa PNR, sa pamamagitan ng pansamantalang pagtigil ay makatitipid ang bansa ng hindi bababa sa P15.8 billion sa walong buwang konstruksiyon ng NSCR.
Titiyakin din nito ang kaligtasan ng mga pasahero sa buong panahon ng pagawain.
Sabi pa ng PNR, maglalagay ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ng mga alternatibong ruta para sa mga pasaherong maaapektuhan.
Pahayag ng PNR, “Buses on the Tutuban route to Alabang and vice versa are expected to drop off and pick up passengers near the current PNR route.”
Ang southbound buses ay daraan sa Divisoria (Tutuban), Mayhaligue Street, Abad Santos Avenue, Recto Avenue, Legarda Street, Quirino Avenue, Nagtahan Flyover, Mabini Bridge, Quirino Avenue, Osmeña Highway, Nichols Entry, SLEX, Bicutan Exit, Bicutan Entry, at Alabang (Starmall).
Ang northbound buses naman ay daraan sa Alabang (Starmall), Manila South Road, East Service Road, Alabang (Entry), SLEX, Bicutan Exit, Bicutan Entry, Nichols Exit, Osmeña Highway, Quirino Avenue, Legarda Street, Recto Avenue, Abad Santos Avenue, Mayhaligue Street, at Divisoria (Tutuban).
Dagdag pa ng PNR, “The bus trips on the Tutuban-Alabang (Southbound) route will start at 7:30 AM, 9:10 AM, 3:00 PM, 3:20 PM, 7:30 PM, and 9:00 PM. On the other hand, the bus trips on the Alabang-Tutuban (Northbound) route will start at 5:00 AM, 6:30 AM, 11:00 AM, 11:45 AM, 5:00 PM, and 6:10 PM.”
Ang NSCR, na aabot ng 147 kilometro kapag natapos, ay inaasahang magpapaikli sa oras ng paglalakbay mula Clark, Pampanga, hanggang sa Calamba, Laguna ng wala pang dalawang oras.