PGH, balik operasyon na matapos magkasunog sa AVR
Balik normal na ang operasyon sa Philippine General Hospital (PGH) matapos magkaroon ng sunog sa kanilang Audio Visual Room kahapon.
Pero ayon kay Dr. Jonas Del Rosario, tagapagsalita ng PGH, limitado muna pansamantala ang operasyon ng kanilang emergency room.
“ Dahil sa sunog we had to transfer our patients to different wards, nagkaroon ng effect sa pagpasok ng pasyente galing sa emergency room. So, sinosort out pa, inaayos pa kaya nagkaroon kami ng code triage sa PGH which means, ang tatanggaping pasyente sa PGH ay yung life threatening emergencies “ ani Del Rosario.
Kaya panawagan niya sa mga pasyente, magpunta na muna sa ibang ospital.
“ Huwag kayo pumunta PGH, di kayo ma-entertain doon , punta muna sa ospital na malapit sa inyo. Kung may magtransfer galing ibang ospital, i-coordinate sa PGH “ dagdag pa ng hospital Spokesperson.
Tiniyak ni Del Rosario na nasa maayos na kalagayan na ang halos 180 pasyenteng inilikas nila kahapon.
Inaalam na ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang pinagmulan ng sunog.
Ayon kay BFP Manila Chief Sr. Supt Christine Cula “ may initial conduct na sa pinagmulan pero as to ano cause, iwan muna sa investigators, ano makita nila after proper conduct in the area “.
Sa pagtaya ng BFP, nasa higit P1.4 milyon ang inisyal na halaga ng pinsala at inaasahang madadagdagan pa ito.
Madz Villar-Moratillo