No Permit, No Exam Prohibition Act nilagdaan na ni PBBM
Maaari na ngayong makakuha ang mga estudyante ng periodic at final examinations, kahit hindi pa nakapagbabayad ng tuition at iba pang school fees.
Ito ay pagkatapos lagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos ang Republic Act 11984, o ang “No Permit, No Exam Prohibition Act” noong Marso 11, na sumasaklaw sa lahat ng pampubliko at pribadong basic (K to 12) institutions, higher education institutions, at technical vocational institutions (TVIs).
Nakasaad sa batas, “All public and private educational institutions covered by this Act are hereby mandated to accommodate and allow Disadvantaged Students unable to pay tuition and other fees to take the periodic and final examinations without requiring a permit. Provided, however, that in the case of K to 12 students, the mandate shall be for the entire school year.”
Sa ilalim ng batas, ang municipal, city at provincial social welfare at development officer, o ang regional office ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay maglalabas din ng kinakailangang sertipiko sa disadvantaged status ng estudyante dahil sa mga kalamidad, emergency, force majeure, at iba pang mabuti o makatwirang dahilan alinsunod sa mga patakaran at regulasyon (IRR) na inilabas ng ahensya.
Gayunman, sinasabi ng batas na ang lahat ng ito ay walang pagkiling sa karapatan at kapangyarihan ng mga institusyong pang-edukasyon na magpataw ng mga kinakailangan para sa pangongolekta ng mga hindi nabayarang bayarin.
Kabilang dito ang pagsusumite ng isang promissory note, ang pagpigil ng mga rekord at kredensyal ng mga mag-aaral at iba pang mga legal at administratibong remedyong magagamit nila.
Lahat ng sakop na pampubliko at pribadong institusyong pang-edukasyon na makikitang lumalabag sa batas ay sasailalim sa administrative sanctions na maaaring ipataw ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED) at ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Sinasabi ng batas na ang DSWD, sa pakikipag konsultasyon sa lahat ng relevant stakeholders, ay dapat magproklama ng implementing rules and regulations ng Act, kabilang ang kahulugan ng terminong “Disadvantaged Student” at ang mga pamantayan at mga kinakailangan para magkabisa ang pagpapalabas ng mga kinakailangang sertipikasyon ng iba’t ibang entity, na kasangkot sa pagpapatupad ng batas.