Faulty electrical wiring, isa sa tinitingnang sanhi ng sunog sa PGH nitong nagdaang linggo
Sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, na 1910 pa nang maitayo ang gusali ng Philippine General Hospital (PGH).
Bagama’t may mga bahagi nito na naisailalim na sa rehabilitasyon, ang mga kable nito ay luma at dapat palitan na.
Tiniyak naman ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang kahandaang tulungan ang PGH sa pagpapalit ng mga kable ng kuryente.
Sinabi ni BFP-NCR Director Chief Supt. Nahum Tarroza, “Suggestion dito ay kuryente hindi repair, investment talaga kasi 100 years na kaya for replacement na. Dapat gawin ng PGH ay gumawa ng ward, ilipat mga pasyente habang ginagawa ang pagpapalit ng kable. Immediate ito dahil na-damage ang isang part kaya puwede ma-damage ang iba.”
Ayon sa BFP, dapat ay magsilbi itong wake-up call lalo at isa ang faulty electrical wiring sa pangunahing sanhi ng sunog sa bansa.
Sa data ng BFP hanggang nitong Marso uno, umabot sa 304 na mga sunog ang naitala dahil sa electrical.
Bagama’t normal na ulit ang operasyon sa PGH, patuloy na humihingi ng pang-unawa ang pamunuan ng ospital dahil limitado pa rin ang puwede nilang tanggaping pasyente sa kanilang emergency room.
Paliwanag ni Dr. Gerardo Legazpi, direktor ng PGH, dahil sa nangyaring sunog ay puno pa ang mga ward nila at wala pang mapaglilipatan ang mga manggagaling sa emergency room.
Madz Villar-Moratillo