Football fans binabalaan ng Japan na huwag magtungo sa North Korea para sa World Cup qualifier
Nagbabala ang Japan sa football fans na huwag magtangkang bumiyahe patungo sa North Korea, para sa World Cup qualifier sa Pyongyang sa susunod na linggo.
Ang Tokyo foreign ministry ay “mahigpit na humihiling sa pangkalahatang publiko na iwasan” ang pagdalo sa laban sa Marso 26, ang una para sa dalawang panig sa North Korea mula noong 2011.
Sa post sa X na dating twitter ay nakasaad, “As you know, North Korea takes a hostile view of Japan and travel is not recommended for the general public.”
Ang Japan at North Korea ay maglalaro muna sa Tokyo sa Huwebes bilang bahagi ng qualifying para sa 2026 World Cup, bago ito gaganapin sa Pyongyang sa susunod na linggo.
Matagal nang pinapayuhan ng Japan ang kaniyang mga mamamayan na huwag magtungo sa North Korea, ngunit hindi naman nito hayagang ipinagbabawal ang pagbiyahe doon. Ang dalawang bansa ay walang diplomatikong relasyon.
Hindi malinaw kung gaano karaming fans, kung mayroon man, ang magtatangkang tumungo sa Pyongyang. Kakailanganin nila ng isang North Korean visa upang makabiyahe.
Gayunman, labing-apat na opisyal ng gobyerno ang sasama sa Japan team para sa match, maging ang isang maliit na bilang ng media outlets, batay sa report ng Japanese broadcaster na NHK.
Ang first leg ng kanilang women’s playoff para sa Paris Olympics ay inilipat sa neutral ground sa Saudi Arabia noong isang buwan mula sa North Korean capital.
Ang relasyon ng dalawang bansa ay matagal nang pinapait ng mga isyu kabilang ang kompensasyon para sa brutal na pananakop ng Japan sa Korean peninsula sa pagitan ng 1910 at 1945, at ang kamakailan ay pagpapakawala ng missiles ng Pyongyang sa teritoryo ng Japan.
Ang pagdukot ng North Korean agents sa Japanese citizens noong 1970s at 1980s, at ang sapilitang pagsasanay ng mga espiya sa wikang Hapon at kaugalian ay matagal na ring naging pangunahing punto ng sigalot.
Ang laban sa Huwebes sa Tokyo ay inaasahang magkakaroon ng malaking grupo ng North Korean supporters mula sa matagal nang ethnic Korean community sa Japan na nasa 300,000 katao.
Karamihan ay mga inapo na ng mga sibilyan na kinuha mula sa kanilang mga tahanan noong panahon ng kolonisasyon ng Japan sa Korean peninsula.