Tiger nasa talaan ng Masters sa susunod na buwan
Nasa talaan si Tiger Woods sa tournament website para sa Masters sa susunod na buwan, ang pinakamalaking senyales na ang 15-time major winner ay lalahok sa Augusta National.
Ang 48-anyos na superstar ay kabilang sa 85 players na nakatala sa field para sa April 11-14 showdown, sa halip na sa 17 na nakatala bilang “past champions not playing” sa Masters website.
Si Woods, na ang ang 82 career PGA Tour titles ay katulad ng all-time record na naitakda ni Sam Snead, ay hindi na nakapaglaro mula nang umatras sa Genesis Invitational noong nakaraang buwan sa Riviera pagkatapos ng first round dahil sa karamdaman.
Ang dating world number one ay nagwagi na ng limang beses sa 25 Masters starts, kung saan nakuha niya ang green jacket noong 1997, 2001, 2002, 2005 at 2019 ang pinakahuli niyang major triumph.
Si Woods ay nakapaglaro para sa kaniyang 23rd consecutive Masters start noong nakaraang taon, kung saan nag-tie sila nina Fred Couples at Gary Player para sa ‘longest streak’ sa kasaysayan ng torneo, ngunit umatras pagdating ng third round dahil sa plantar fasciitis.
Pagkatapos sumailalim sa ankle surgery noong Abril at ayusin ang tinamong injuries mula sa isang car crash incident noong 2021, hindi na muling lumaban si Woods hanggang sa Hero World Challenge invitational event sa Bahamas noong December, kung saan siya naglaro.
Si Woods ay hindi na nakatapos ng apat na rounds sa isang major mula noong 2022 Masters, kung saan nagtapos siya sa ika-47 puwesto sa kaniyang comeback event makaraang magtamo ng malubhang leg injuries noong 2021 crash.
Umatras siya mula sa 2022 PGA Championship pagkatapos ng tatlong rounds at hindi nakasama sa 2022 British Open.