DOJ, pinag-aaralan ang mga susunod na hakbang para mapabalik agad sa bansa si ex-Cong. Teves
Nakipag-ugnayan at nakipag-pulong na ang Department of Justice (DOJ) sa mga opisyal ng Timor-Leste kasunod ng pagkakaaresto roon ng pinatalsik na kongresista na si Arnulfo Teves Jr.
Si Teves ay nahaharap sa patung-patong na kasong murder kaugnay ng pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong iba pa sa Pamplona noong Marso 2023.
Sinabi ni DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano na lahat ng posibleng mekanismo ay pinag-aaralan ng mga awtoridad para mapauwi agad sa bansa si Teves.
“So we will have to see kung ano yung pinakafeasible, pinakamabilis at pinakaligtas na paraan” ani Clavano.
Kabilang sa mga opsiyon na ikinukonsidera ng DOJ ay ang extradition at deportasyon kay Teves.
Tiniyak din ni Clavano sa kampo ni Teves na prayoridad ng DOJ ang seguridad at kaligtasan ng dating kongresista para maharap nito ang mga kaso laban dito.
Dagdag pa ni Clavano ” alam ho natin na napakalaking kaso nito para sa atin and we just want to make sure that he’s here to stand trial safe and sound”.
Una nang kinansela ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pasaporte ni Teves na nasa Red Notice rin ng Interpol.
Kinumpirma pa ni Clavano na nabasura na rin ang apela ni Teves para sa asylum sa Timor Leste kaya wala na rin hadlang sa pagpapauwi nito sa Pilipinas.
Hindi pa masabi ng DOJ kung kailan makababalik sa bansa si Teves ngayong arestado na ito dahil depende ito sa mga opisyal ng Timor Leste at kung idi-deport o i-extradite ito.
” If we choose that route deportation, the timing would be up to them pero kung extradition which will take some time because of the requirement for extradition” paglilinaw pa ni Clavano.
Sa ngayon ay wala pang pahayag ang panig ni Teves.
Moira Encina