Solusyon sa “carmageddon” tuwing holiday, inilatag sa Kamara
Nakabuo na ng solusyon ang pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX), South Luzon Expressway (SLEX) at Toll Regulatory Board (TRB) para hindi na bumigat ang daloy ng trapiko tuwing may long holiday.
Ito ang ipinahayag ng pamunuan ng naturang mga expressway at TRB sa Kamara matapos makipagpulong kay House Communications Head Deputy Majority Leader at ACT-CIS Partylist Representative Erwin Tulfo.
Sinabi ni Tulfo na nakaaalarma ang nangyaring carmageddon noong holiday vacation partikular noong March 27, 2024 kung saan nagbara ang daloy ng trapiko dahil sa dami ng sasakyan na dumaan sa NLEX.
Ayon kay Tulfo, magpapatupad ng mga pagbabago ang NLEX, SLEX at TRB para mapagaan ang daloy ng trapiko tuwing long holiday vacation.
Samantala, inamin ni Rogelio Singson, Presidente ng Metro Pacific Tollways Corporation, operator ng NLEX na hindi kinaya ng NLEX ang volume ng mga sasakyan nitong mahabang bakasyon.
Kasabay nito, humingi ng paumanhin si Singson sa mga naabalang motorista.
Niliwanag ni Singson na ang regular capacity ng NLEX ay 40,000 hanggang 50,000 lamang kada araw subalit ang dumagsa noong holiday vacation ay umabot sa 87,000 noong March 27 at 5,000 sa mga ito ay walang load o kulang ang load at 5,000 din ang defective ang RFID kaya nagbara sa mga toll gate at tumagal ng apat na oras ang trapik.
Sinabi pa ni Singson na isa pang solusyon para maibsan ang mabigat ng daloy ng trapiko sa NLEX ay magtatayo ng elevated expressway mula Balintawak hanggang Bocaue exit.
Inihayag naman ni Rafael Yabut, General Manager ng San Miguel Corporation SLEX Tollways na patuloy ang ginagawang widening sa SLEX hanggang sa Star Toll papuntang Batangas at Quezon kaya hindi gaanong nagbara ang daloy ng trapiko noong holiday vacation.
Sinabi naman ni Atty. Alvin Carullo, Executive Director ng TRB na simula sa Hunyo ay ipatutupad na ng buong higpit ang contact less o cash less sa NLEX at SLEX at sa Hulyo ay ipapatupad na rin sa naturang mga expressway ang interoperability ng mga RFID o consolidated na ang NLEX at SLEX RFID, aalisin na ang mga barrier sa entry point ng expressway dahil papalitan na ito ng RFID hightech reader simula sa Nobyembre.
Sa huli, sinabi ni Congressman Tulfo na pumayag sa pakiusap ng Kamara ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na may supervision sa TRB na maglalabas ng Department Order upang mabigyan ng traffic violation ticket ang mga motorista na papasok sa expressway na kulang o kaya ay walang load ang kanilang RFID upang maiwasan ang pagbabara sa mga point of entry at exit.
Vic Somintac