Senado, mamadaliin na ang pagpapatibay sa Mandatory ROTC
Mayorya ng mga Pilipino pabor na ibalik ang Mandatory Reserve Officer Training Corps sa mga kabataan.
Yan ay batay sa survey ng Pulse Asia na kinomisyon ni Senate president Juan Miguel Zubiri.
Ayon sa Senador, sa resulta ng survey, 69 percent ng mga tinanong ang pumayag na ibalik ang ROTC para sa mga kabataan at 14 percent lang ang tumutol.
Ito aniya ang dahilan kaya plano ng Senado na paspasan ang pagtalakay sa panukala sa pagbabalik ng sesyon sa March 23 at tiniyak na aaprubahan ito bago ang kanilang Sine die Adjournment sa May 24.
Isa aniya sa ikinukunsidera nila ay ang nangyayaring karahasan at West Philippine Sea at iba pang External Threat sa Pilipinas.
Pero sa bersyon ng Senado, hindi tulad noon na puro Military training, ngayon sasailalim ang mga kabataan sa ibat ibang kasanayan tulad ng pagtugon sa ibat ibang uri ng kalamidad.
Iginiit naman ni Senador Ronald bato dela Rosa na pangunahing author ng panukala na may gusot man o wala sa West Philippine Sea, kailangang ipasa ang mandatory ROTC para hubugin pa ang mga kabataan sa pagiging makabayan at pagmamahal sa Lupang Sinilangan.
Tiniyak rin nito na magiging mahigpit ang batas laban sa hazing na isa sa pinangambahan ng marami bakit ayaw suportahan ang ROTC.
Meanne Corvera