Paggamit ng Renewable energy , iminungkahing palawakin
Hinimok ni Senador Lito Lapid ang mga ahensya ng gobyerno na palawakin pa ang paggamit ng renewable energy upang masolusyunan ang mga brownout sa iba’t ibang panig ng bansa.
Partikular na tinukoy ni Lapid ang paggamit ng solar, wind at wave energy upang maging alternative source ng kuryente sa bansa.
Kung tutuusin, ayon kay Lapid, bilang tropikal na bansa, maswerte pa ang Pilipinas dahil sagana sa alternatibong source ng enerhiya subalit kailangan lamang na mag-invest sa mga kailangang equipment.
Sa pagbisita sa Bacolod City at Himamaylan, Negros Occidental, nadismaya si Lapid sa madalas na brownouts sa Western Visayas dahil sa kakulangan ng suplay ng kuryente.
Ipinaalala ni Lapid na kung walang suplay ng kuryente, walang negosyo, walang trabaho at walang kita ang ating mga kababayan kaya mahalaga anya ang sapat na suplay ng enerhiya para sa katatagan at kaunlaran ng bansa.
Meanne Corvera