Gobyerno nagtatayo ng cold storage facilities upang mapatatag ang presyo ng sibuyas
Nagtatayo ang gobyerno ng cold storage warehouses upang makatulong sa pagpapatatag sa presyo ng mga produktong agrikultural, sa panahon ng peak harvest season.
Sinabi ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., na sa kasalukuyan ay nagtatayo na ang ahensiya ng dalawang cold storage facilities sa Occidental Mindoro. Isa ay sa San Jose at ang isa ay sa Magsaysay.
Sa isang town hall consultation sa San Jose, Occidental Mindoro ay sinabi ng kalihim sa onion producers sa Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan, “Yun talaga ‘yung kailangan para ‘yung presyo kasi pagka tag-araw, siyempre nag-aani tayo ng sibuyas, maraming suplay, bababa ‘yung presyo. Pag may cold storage tayo hindi na kailangan ipagbili kaagad. Kung ano man lang ang kailangan, ano ‘yung demand, para pati na sa consumer, ‘yung presyo ay medyo pantay-pantay kahit tag-araw, tag-ulan.”
Aniya, ang warehouses ay solar-powered upang matiyak na mababa ang magiging gastusin sa kuryente.
Bawat isang cold storage ay inaasahang may kapasidad ng hanggang 1,400 tonelada.
Sinabi pa ni Laurel, na sa susunod na taon ay magtatayong muli ang DA ng lima pang cold storage warehouses na popondohan ng budget ngayong 2024.
Binanggit pa ng opisyal sa naturang konsultasyon, “Mayroon pa tayong matatanggap na suporta mula kay Presidente through DOF at DBM na maglaan ng maraming cold storage na solar.”
Dagdag pa niya, “Baka ang target namin ay bumili ng 600 units ng containerized cold storage na ibibigay sa bawat cooperative para makatulong sa pag-store ng mga harvest n’yo during peak season, para maibenta n’yo later at hindi magsabay-sabay bumagsak sa merkado at bumagsak ang presyo ninyo.”
Banggit ang government data, sinabi ng Presidential Communications Office na ang rehiyon ng Mimaropa ang nangunguna sa produksiyon g sibuyas sa bansa, na may 46.94 libong metriko toneladang ani mula sa April – June 2023 quarter, o 55.3 percent share ng kabuuan.
Sinundan ito ng Central Luzon na may 23.66 libong metriko tonelada at Ilocos Region na may 12.54 libong matriko tonelada.