Abo galing sa pumutok na bulkan sa Indonesia, umabot na sa Malaysia
Napilitang magsara ang mahigit sa anim na paliparan bunsod ng pagputok ng isang bulkan sa Indonesia, na ang abo ay umabot na sa Malaysia habang nagkumahog naman ang mga awtoridad na mailikas ang libu-libong katao dahil sa banta ng tsunami.
Tatlong ulit na pumutok ang Mount Ruang nitong Martes, nagbuga ng lava at abo nang mahigit sa limang kilometro (tatlong milya) sa himpapawid, at pumuwersa sa mga awtoridad na maglabas ng evacuation orders para sa 12,000 mga residente.
Isang rescue ship at isang warship ang ipinadala upang tulungan ang mga ito na mailikas mula sa Tagulandang island sa hilaga patungo sa Siau island, dahil sa isang babala tungkol sa mga bahagi ng bulkan na babagsak sa dagat na potensiyal na magdudulot ng isang tsunami.
Ibinahagi naman ng BMKG, ang meteorological agency ng Indonesia ang isang mapa na nagpapakita ng volcanic ash na umabot na hanggang sa eastern Malaysia sa Borneo island, na kabahagi nito sa Indonesia at Brunei.
An eruption from Mount Ruang volcano is seen from Tagulandang island in Sitaro, North Sulawesi, on April 30, 2024. (Photo by AFP)
Ang pagkalat ng volcanic ash ang puwersahang nagpasara sa pitong airports, isa rito ay ang pinakamalaki na nasa provincial capital na Manado at sa siyudad ng Gorontalo, ayon sa isang notice mula sa state-run air traffic control provider na AirNav Indonesia.
Sinabi ni Julius Ramopolii, head ng Mount Ruang monitoring post, “The volcano was still billowing ash and smoke above the crater on Wednesday morning. The volcano is visibly seen, the plume of smoke is visible, grey and thick, and reached 500-700 metres (2,300 feet) above the crater.’
Dagdag pa niya, ‘The alert level remained at its highest of a four-tiered system and called on locals to remain outside of a seven-kilometre exclusion zone.”
Ang mga pangamba sa tsunami ay bunga ng karanasan.
Ang crater ng Mount Anak Krakatoa, sa pagitan ng Java at Sumatra islands, ay bahagyang nag-collapse noong 2018 nang ang isang malaking pagsabog ay nagresulta upang bumagsak sa karagatan ang malaking piraso ng bulkan, na nagbunsod ng tsunami na ikinamatay ng mahigit sa 400 katao at libu-libo pa ang nasaktan.