DFA hinimok ang Tsina na i-convene ang Bilateral Consultation Mechanism on the South China Sea
Nanawagan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa Tsina na ipatawag nito ang susunod na pagpupulong ng Bilateral Consultation Mechanism on the South China Sea.
Sa harap ito ng pahayag ng Chinese Embassy na may bagong modelo na napagkasunduan sa pagitan ng Tsina at AFP Western Command ngayong taon ukol sa Ayungin Shoal.
Ayon sa DFA, kung talagang seryoso ang China na maresolba at mapangasiwaan nang maayos ang mga pagkakaiba nito sa Pilipinas sa West Philippine Sea ay dapat na i-convene nito ang susunod na pagtitipon ng nasabing bilateral mechanism.
Inihayag ng DFA na tapat ng Pilipinas sa paghanap ng mga paraan upang maibsan amg tensyon sa Tsina sa pamamagitan ng mga naitatag na diplomatic channels.
Kasabay nito, pinabulaanan ng DFA ang sinasabing “new model” at iginiit na hindi ito batid ng departamento.
Nanindigan muli ang DFA na walang pinasok na anumang kasunduan ang Pilipinas na magaabandona sa soberenya at hurisdiksyon sa exclusive economic zone at continental shelf nito.
Hinikayat din ng kagawaran ang Tsina na ihinto na ang pagpapakalat ng maling impormasyon o mga insinuation laban sa mga opisyal ng Pilipinas na lumilikha ng kalituhan sa publiko.
Moira Encina