Meralco at WESM,umapela sa publiko na magtipid sa paggamit ng kuryente
Nanawagan ngayon ang Meralco at Wholesale Electricity Spot Market o WESM sa consumers na maging matalino at masinop sa paggamit ng kuryente ngayong panahon ng tag-init dahil sa epekto ng El Niño phenomenon.
Sa journalist forum sa Quezon city sinabi ni Meralco Vice president for Corporate Communications Joe Zaldarriaga na ang supply at presyo ng kuryente ay demand driven kaya nagkakaroon ng price adjustment sa presyo ng kuryente partikular sa mga buwan Marso at Mayo na pinakamainit na panahon sa bansa.
Inihayag naman ni WESM Trading Operations Head Isidro Cacho Jr. na talagang tumataas ang presyo ng kuryente kapag malaki ang demand.
Kalimitan aniyang tumataas ang demand sa supply ng kuryente sa peak hour na alas dos ng hapon ngayong panahon ng tag-init.
Tiniyak naman ni Cacho na kung kinukulang ang supply ng kuryente sa power generators sa bansa gaya ng Hydro, Coal, Natural gas at diesel fuel power plants, naglalabas ng warning ang National Grid Corporation of the Philippines o NGCP.
Umaasa naman ang Meralco at WESM na sa pagpasok ng La Niña phenomenon sa third at fourth quarter ng taon ay babalik sa normal ang supply at demand sa kuryente.
Vic Somintac