PISTON at MANIBELA hiniling sa Korte Suprema na mag-isyu ng TRO laban sa jeepney consolidation
Kinalampag ng mga grupong PISTON at MANIBELA ang Korte Suprema para magpalabas na ng TRO laban sa jeepney consolidation.
Ayon sa transport groups, noong Marso pa nila inihain ang kanilang petisyon pero wala pa ring aksyon ang Supreme Court.
Bukod sa TRO, nais ng PISTON na magpatawag ang SC ng oral arguments sa isyu para marinig ang panig ng operators at mga tsuper.
Tinatayang 200,000 miyembro ng PISTON at MANIBELA ang mawawalan ng hanapbuhay dahil sa PUV consolidation.
Sinabi ng mga grupo na hindi rin sila hihinto sa pagkalampag maging sa ehekutibo at lehislatura.
Partikular na pupuntahan ng grupo ang mga tanggapan ng LTFRB at LTO
Ayon kay MANIBELA Chairperson Mar Valbuena, “Halos dalawang araw simula ngayon iimpound ang aming sasakyan kapag ito ay bumiyahe pa dahil yan yung mga prangkisa binabawi na nang walang due process.”
Sinabi naman ni PISTON Deputy Secretary General Ruben Baylon, “Sino ba ang tumatakbo sa kasalukuyan di ba mga traditional pa kulang na kulang mga minibus nila. Halos Wala pang 10,000 sa buong Pilipinas yan.”
Moira Encina