Facebook at Instagram iimbestigahan ng EU kaugnay ng child protection
Binuksan ng European Union (EU) ang isang pormal na imbestigasyon sa Facebook at Instagram, sa hinalang ang mga platform na ito na pag-aari ng Meta ay nagiging sanhi ng addictive behaviour sa mga bata.
Ang imbestigasyon ay sa ilalim ng isang mammoth law na kilala bilang Digital Services Act (DSA), na pumupuwersa sa pinakamalalaking tech firms na gumawa dagdag na mga hakbang upang protektahan ang online European users at pigilan ang illegal content.
Ito na ang ikalawang imbestigasyon sa Meta. Ang isa na nauna rito ay inilunsad ng EU noong nakaraang buwan kaugnay ng mga pangamba na ang Facebook at Instagram ay bigong hadlangan ang disinformation.
Sinabi ng internal market commissioner ng EU na si Thierry Breton, “We are not convinced that it has done enough to comply with the DSA obligations to mitigate the risks of negative effects to the physical and mental health of young Europeans. We are sparing no effort to protect our children.”
Ipinagtanggol naman ng tagapagsalita ng Meta ang pagsisikap ng kompanya na protektahan ang kabataan nilang users.
Ayon sa tagapagsalita, “We want young people to have safe, age-appropriate experiences online and have spent a decade developing more than 50 tools and policies designed to protect them. This is a challenge the whole industry is facing, and we look forward to sharing details of our work with the European Commission.”
Sa anunsiyo nitong Huwebes, sinabi ng European Commission, ang tech regulator ng EU, na may suspetsa ito na ang systems ng dalawang platform ay nakahihikayat ng ‘behavioural addictions’ sa mga bata.
Isa pa sa inilutang na isyu ng komisyon ay ang tinatawag na “rabbit hole” effect, na nangyayari kapag ang users ay nakakakita ng related content base sa isang algorithm, na sa ilang mga kaso ay humahantong sa mas ‘extreme content.’
Nangangamba rin ang komisyon na maaaring hindi epektibo ang age-verification tools ng Meta.
Ang DSA ay may mahigpit na panuntunan upang protektahan ang mga bata at tiyakin ang kanilang privacy at seguridad online, at ang EU ay nangangamba na maaaring hindi sapat ang ginagawa ng Meta upang matugunan ang mga obligasyong ito.
Binigyang-diin ng EU sa isang pahayag, “opening of formal proceedings does not prejudge its outcome.”
Wala pang deadline kung kailan makukumpleto ang imbestigasyon.
Ang DSA ay nasa loob ng makapangyarihang legal armoury ng EU, upang rendahan ang tech giants.
Ang Facebook at Instagram ay kabilang sa 23 “napakalalaking” online platforms na dapat sumunod sa DSA o maharap sa pagmumulta ng hanggang anim na porsiyento ng kanilang global turnover, o patawan ng ban para sa seryoso at paulit-ulit na paglabag.
Ang iba pang platforms na ini-imbestigahan din ng DSA ay ang Snapchat, TikTok at YouTube.
Ang Brussels ay naglunsad ng bagong ‘wave’ ng imbestigasyon, upang ipakita sa online giants na seryoso ito.
Noong Pebrero, ay sinimulan ng komisyon ang isang imbestigasyon sa TikTok, na pag-aari ng Chinese firm na Bytedance, sa hinalang hindi sapat ang ginagawa ng lubhang popular na video-sharing app upang tugunan ang negative impacts sa mga kabataan.
Pinilit din ng EU ang TikTok na suspendihin ang spinoff ng reward schemes ng kanilang Lite app noong Abril, makaraang magbabala na ang “addictive” nature nito ay maaaring magdulot ng seryosong pinsala sa mental health ng users.
Tinarget din ng iba pang mga imbestigasyon ang Chinese online retailer na AliExpress at ang social media platform na X, na pag-aari ng tech billionaire na si Elon Musk at dating tinatawag na Twitter.
Malawak ang remit ng DSA at pinuwersa rin ang digital shopping platform tulad ng AliExpress at Amazon, na dagdagan ang mga hakbang upang kontrahin ang pagbebenta ng peke at ilegal na mga produkto online.