COMELEC, aalisin ang 4.2M sa registered voters list para sa 2025 mid-term elections
Kasabay ng nalalapit na 2025 midterm elections ay ang paglilinis ng Commission on Elections (COMELEC) sa kanilang listahan ng mga rehistradong botante.
Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, nasa 4.2 milyong botante ang aalisin sa kanilang listahan.
Pinakamarami sa ide-deactivate ay mula sa Calabarzon, sinundan ng Central Luzon at Central Visayas.
Higit 4 na milyon sa kanila ay dahil sa kabiguang makaboto sa dalawang magkasunod na halalan.
Ang iba naman ay dahil sa utos ng korte, ang iba ay bigong ma-validate ang kanilang rekord, ilan naman ang nahatulan ng korte at ang iba ay nagpalit ng citizenship.
Sa kasalukuyan, nasa 68 milyon ang bilang ng rehistradong botante sa bansa.
Mababawasan man, madadagdagan naman sila dahil patuloy pa ang ginagawang voter registration ng Comelec.
Sa pinakahuling tala, nasa 2.8 milyon na ang nagparehistro at kaunti na lamang ay maaabot na ang 3 milyong bagong botante na target ng Comelec.
Sinabi ni Comelec Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, “ Out of the 2.8 million po na applications na tinanggap ng COMELEC mula noong February ay 1.2 million na po dito ang bagong botante at may nalalabi pa po tayong limang buwan at umaasa po kami na sa bandang gitna po ng limang buwan na iyan ay sisipa po ang bilang ng mga bagong botante mula po dito sa Pilipinas “.
Pinakamarami sa kanila ay sa Calabarzon, sinundan ng National Capital Region at Central Luzon.
Hinikayat din ng COMELEC maging ang mga Pinoy sa ibang bansa na magparehistro para makasali sa darating na halalan.
“ Hikayatin ang kamag-anak at mga kaibigan sa ibang bansa na magrehistro po para po sila’y makaboto sa overseas voting natin na ang gagamitin na po natin next year, internet voting na po tayo. Madali lalung-lalo na po ang ating mga kababayang marino, kahit nasa barko, basta may internet, sila ay makakaboto, madidinig ang boses nila “ dagdag pa ni Laudiangco.
Ang deadline ng voter registration ay hanggang Setyembre 30 habang hanggang Agosto 31 naman sa Register Anywhere.
Madz Villar-Moratillo