Israel at Hamas, tutol sa nais ng ICC na ipaaresto ang kanilang mga lider dahil sa war crimes
Kapwa galit na tinutulan ng Israel at Hamas ang hakbang ng international court na arestuhin ang kanilang mga lider dahil sa war crimes, habang nagpapatuloy ang giyera sa Gaza strip.
Sinabi ni International Criminal Court (ICC) prosecutor Karim Khan, na nag-apply siya para sa arrest warrants ng mataas na lider ng Israel at Hamas kaugnay ng madugong labanan.
Binatikos ng Israel sa pagsasabing isang “historical disgrace” ang kahilingan na ang target ay si Prime Minister Benjamin Netanyahu at Defence Minister Yoav Gallant, habang mahigpit namang kinokondena ng Palestinian militant group na Hamas ang naturang hakbang.
Sinabi ni Netanyahu, “I reject with disgust The Hague prosecutor’s comparison between democratic Israel and the mass murderers of Hamas.”
Sa isang pahayag ay sinabi ni Khan, na humihiling siya ng warrants laban sa Israeli leaders para sa krimen na kinabibilangan ng “wilful killing,” “extermination and/or murder,” at “starvation.”
Aniya, “In the war started by Hamas’s October 7 attack, Israel had committed ‘crimes against humanity’ as part ‘of a widespread and systematic attack’ against the Palestinian civilian population.”
Dagdag pa niya, “The leaders of Hamas, including Qatar-based Ismail Haniyeh and Gaza chief Yahya Sinwar, ‘bear criminal responsibility’ for actions committed during the October 7 attack.”
Kabilang aniya rito ang hostage taking, rape at iba pang sexual violence at torture.
Ayon pa kay khan, “International law and the laws of armed conflict apply to all. No foot soldier, no commander, no civilian leader –- no one -– can act with impunity.”
Sakaling pagbigyan ng mga hukom ng ICC, nangangahulugan na sa pamamagitan ng mga warrant ay teknikal na obligadong arestuhin ng alinman sa 124 na miyembrong estado ng ICC si Netanyahu at ang iba pa kapag ang mga ito ay bumiyahe sa nabanggit na mga estado, ngunit ang korte ay walang mekanismo upang ipatupad ang kanilang warrant.
Tinanggihan din ng Estados Unidos na pangunahing ka-alyado ng Israel ang kahilingan ng ICC, kung saan sinabi ni US President Joe Biden, “it is outrageous, there is no equivalence — none — between Israel and Hamas.”
Sinabi naman ni Secretary of State Antony Blinken, na ang hakbang ay maaaring makasira sa nagpapatuloy na pagsisikap para sa isang ceasefire sa Gaza.
Nangako si Netanyahu na ipagpapatuloy ang giyera laban sa Hamas sa Gaza, hanggang sa magapi ang Iran-backed Islamist group at mapalaya na ang lahat ng mga natitira pang bihag.
Dahil sa matinding mga labanan sa mga lugar sa Rafah malapit sa Egyptian border simula pa noong unang bahagi ng Mayo, sinabi ng United Nations (UN), na mahigit sa 812,000 Palestinians na ang umalis sa siyudad.
Sumiklab ang labanan pagkatapos ng hindi inaasahang pag-atake ng Hamas sa Israel, na nagresulta sa pagkamatay ng mahigit sa 1,170 katao na karamihan ay mga sibilyan at bumihag din ng 250 katao, kung saan 124 sa mga ito ang bihag pa rin sa Gaza kasama ang 37 na ayon sa army ay namatay na.
Ang ganting opensiba naman ng Israel ay ikinamatay na ng hindi bababa sa 35,562 katao sa Gaza na karamihan ay mga sibilyan din ayon sa data ng health ministry ng Hamas-run territory.
Nagbanta ang European Union na 31 sa 36 na mga ospital sa Gaza ay hindi na gumagana, at ang iba naman ay halos mag-collapse na kung saan mahigit sa 9,000 katao na malubhang nasaktan ang nanganganib na mamatay.
Nakipagkita si US National Security Advisor Jake Sullivan kay Netanyahu nitong Linggo at sinabi sa kaniya na ang military operation laban sa Hamas ay dapat na i-ugnay sa “political strategy” para sa hinaharap ng Gaza.
Sinabi ng White House, na pinag-usapan din ni Sullivan at Netanyahu ang “kahalagahan” ng isang normalisation deal sa pagitan ng Israel at Saudi Arabia.