BIR, iimbestigahan na rin si Mayor Alice Guo sa posibleng tax evasion
Iimbestigahan na rin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa posibleng kaso ng tax evasion.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., ipinag-utos na niya sa mga tauhan ng kawanihan na siyasatin ang mga nabanggit sa pagdinig ng Senado na mga pangalan at kumpanya at ang mga yaman ng mga ito.
” The BIR will also conduct its own investigation against the said individuals and entities. Due process will be followed. If the income declared with the BIR does not match the value of the properties amassed during the same taxable years, criminal cases for tax evasion will be filed ” ani Lumagui.
Tiniyak ng opisyal na masusunod ang due process sa gagawing imbestigasyon ng BIR.
Sa oras aniya na mabatid na hindi tumugma ang mga idineklarang kita sa halaga ng mga ari-arian nina Guo at mga isinasangkot na kumpanya ay sasampahan ang mga ito ng tax evasion complaint.
Sabi pa ng opisyal, sinusubaybayan ng BIR ang hearing ng Senado at handang makipagtulungan sa imbestigasyon.
Paliwanag pa ng BIR, kinakailangang ang mga salapi, ari-arian at mga pinagkukunan ng yaman ay may kaakibat na tamang binabayarang buwis sa gobyerno.
Moira Encina