Mexico nakapagtala ng 155 heat-related deaths simula noong Marso
Nakapagtala ang Mexico ng 155 pagkamatay na may kaugnayan sa mataas na temperatura simula noong Marso, na ang 30 rito ay nito lamang nakalipas na linggo.
Hindi bababa sa 2,567 katao ang dumanas ng heat-related illnesses ngayong warm season sa Mexico, na nagsimula sa kalagitnaan ng March at magpapatuloy pa hanggang sa pagsisimula ng Oktubre batay sa weekly report ng health secretariat.
Labingdalawang lungsod din sa Mexico ang bumasag ng heat records noong Mayo, na may all-time high na 34.7 degrees Celsius na naitala sa Mexico City noong May 25.
Kasabay nito ay dose-dosenang howler monkeys ang patay na nang mangalaglag mula sa mga puno sa southern Mexico nang tumaas ang temperatura.
Ilang dam din ang bumagsak sa kritikal ang water levels, bagama’t sa ilang rehiyon ay naging “welcome” naman ang ulan na dala ng Tropical Storm Alberto na humina na ngayon at isa na lamang tropical depression.
Sa isang pag-aaral na inilabas nitong Huwebes ng World Weather Attribution (WWA), nakasaad na ang nakamamatay na init na bumalot sa Estados Unidos, Mexico at Central America noong May at ngayong June ay 35 ulit na mas malamang na bunga ng global warming.
Nagbabala ang health ministry ng Mexico na malaking bahagi ng bansa ang patuloy na makararanas ng mainit na temperatura.