Catania airport sa Sicily muli nang nagbukas makaraang sumabog ang Mount Etna
Muli nang binuksan ang Catania airport sa Sicily makaraang pansamantalang suspendihin ang mga biyahe ng eroplano doon, dahil sa pagsabog ng Mount Etna, ang pinakamalaking aktibong bulkan sa Europe.
Ayon sa paliparan bagama’t “fully reopened” na sila, ay dapat pa ring asahan ang ilang temporary delays sa mga flight.
Una nang sinuspinde ang mga flight ng Biyernes ng umaga, makaraang magbuga ng abo ang Mount Etna noong Huwebes na ang taas ay aabot sa 4.5 kilometres, ayon sa National Institute of Geophysics and Volcanology (INGV) ng Italy.
Makikita sa mga ibinahaging footage sa social media, ang mga lansangan sa siyudad ng Catania na nabalot ng makapal at maitim na abo na nagresulta sa pagbagal ng daloy ng trapiko.
Pagdating ng Biyernes ng hapon, nagsagawa na ng runway clearance ang airport at muling nagresume ng departures, habang nilimitahan lamang ang arrivals sa dalawa bawat oras.
Ang 3,324-metrong taas (10,905 talampakang) bulkan ay ilang ulit nang pumutok nitong nagdaang mga dekada.
Nitong nakalipas na ilang linggo, ang crater nito ay nagsimulang magbuga ng fountain ng nakapapasong lava at naglalabas din ng abo.
Samantala, nag-isyu rin ang Italian authorities ng isang red warning para sa isa pang bulkan sa hilaga ng Sicily, ang Stromboli na nasa islang may kaparehong pangalan, na ang pagsabog ay nagdulot ng ulap na abo.
Ayon sa INGV, “Mount Stromboli, culminating at 920 metres and with a base reaching 2,000 metres below sea level, is known for being one of the only nearly constantly active volcanoes in the world.”
Milyun-milyong mga pasahero ang bumibiyahe sa pamamagitan ng Catania airport bawat taon, na kumukonekta sa eastern Sicily, na pinakasikat na tourist hotspots sa Italy.