Tatlo patay, milyun-milyon ang walang suplay ng kuryente nang maglandfall sa Texas ang Storm Beryl
Hindi bababa sa tatlo katao ang namatay habang nagpapatuloy sa pananalasa ang Tropical Storm Beryl sa southeast Texas.
Dahil sa napakalakas na hangin at ulan, nawalan ng suplay ng kuryente ang 2.7 milyong mga bahay at negosyo, lumubog ang mga lansangan, nagsara ang oil ports at nakansela ang mahigit sa isanglibong flights.
Si Beryl, ang pinakamaagang Category 5 hurricane na naitala ngayong season, ay humina na matapos manalasa sa coastal Texas town ng Matagorda sa pamamagitan ng mapanganib na storm surges at malalakas na mga pag-ulan bago kumilos patungong Houston, ayon sa US National Hurricane Center (NHC).
Ayon sa ahensiya, ang kondisyon ay maaaring magdulot ng tornadoes sa Texas, Louisiana at Arkansas.
Ang bagyo, na inaasahang mabilis na hihina habang papasok sa inland, ay nag-iwan ng pinsala sa Jamaica, Grenada, at St. Vincent and the Grenadines noong isang linggo at ikinamatay ng 12 katao sa Caribbean at Texas.
Sa Texas, isang 53-anyos na lalaki at isang 74-anyos na babae ang namatay sa dalawang insidente ng pagbagsak ng puno sa kanilang bahay sa Houston area nitong Lunes. Ang ikatlo ay namatay naman dahil sa pagkalunod ayon sa mga lokal na opisyal.
Naantala ang oil refining activity at lumikas naman ang mga tao sa ilang production sites sa Texas, na siyang pinakamalaking producer ng US oil at natural gas.
Bagama’t nagsimula nang mabawasan ang lakas ng bagyo, sinabi ng NHC, “Life-threatening storm surge and heavy rainfall is ongoing across portions of Texas. Damaging winds ongoing along the coast, with strong winds moving inland.”
Kasunod ng mga babala ng isang “deadly storm,” nagkumahog ang mga residente na lagyan ng tapal ang kanilang mga bintana at mag-imbak ng fuel at iba pang mahahalagang kailangan.
Bago mag-umaga, binayo ng malakas na bugso ng hangin at malakas na ulan ang mga siyudad at bayan gaya ng Galveston, Sargent, Lake Jackson at Freeport.
Maraming bumagsak na mga puno ang humarang sa mga kalsada sa Houston, may ilang pangunahing lansangan na binaha kaya hindi maraanan.
Nilagyan naman ng barikada ng kinauukulan ang mga binahang lugar.
Sa isang late morning press conference, hinimok ni Houston Mayor John Whitmire ang mga tao na huwag lumabas ng bahay. Aniya, ang tubig-baha sa siyudad ay lampas na sa 10 inches (25 cm) sa maraming lugar sa lungsod.
Sinabi ni Whitmire, “We’re literally getting calls across Houston right now asking for first responders to come rescue individuals in desperate life safety conditions.”
Ang bagyo ay lumakas sa isang Category 1 hurricane habang tumatawid sa mainit na tubig ng Gulf of Mexico bago naglandfall. Ngunit sinabi ng NHC na inaasahan nitong mabilis iyon hihina at magiging isang tropical depression na lamang gaya ng tipikal na hurricane.
Si Beryl ay tinatayang magiging isa na lamang post-tropical cyclone ngayong Martes, at inaasahang tatama sa Oklahoma, Arkansas at Missouri taglay ang malakas na mga pag-ulan.
Inaasahang babayuhin ng bagyo ang eastern parts ng Texas ngayong maghapon ng Martes bago kumilos patungo sa Lower Mississippi Valley at sa Ohio Valley.
Sa isang pahayag ay sinabi naman ng Accuweather, “People in the path of Beryl’s track should not let their guard down this week because of possible tornadoes as far away as Ohio and possible flash flooding as far north as Detroit.”
Ang Federal Emergency Management Agency (FEMA) at US Coast Guard ay nakaposisyon na upang tumulong sa search and rescue efforts. Naghanda na rin ang FEMA ng tubig, mga pagkain at generators para sa local response efforts.
Ayon naman sa mga paaralan, mananatili silang sarado habang papalapit ang bagyo. Nagkansela na rin ang airlines ng mahigit sa 1,300 flights, at ipinag-utos na ng mga opisyal ang paglilikas sa mga beach town.
Ang maliliit na mga negosyo sa Houston, kabilang ang package delivery services at chiropractors, ay hindi na rin muna nagbukas nitong Lunes.
Sa ulat ng local utilities at ng PowerOutage.us data, mahigit sa dalawang milyong mga tahanan at business establishments sa Texas ang nawalan ng suplay ng kuryente.
Ilang lugar sa southeastern Texas, kabilang ang Houston, kung saan may headquarters ang maraming US energy companies, ay nasa ilalim ng isang flash-flood warning matapos magpakawala ng halos 12 inches (30cm) na ulan ang thunderstorms.
Ang pagsasara ng ilang pangunahing oil-shipping ports sa Corpus Christi, Galveston at Houston bago dumating ang bagyo ay nakaapekto sa crude oil exports, at maging sa shipments ng krudo sa mga refinery at motor fuel mula sa mga planta.
Ang Corpus Christi Ship Channel ay muli nang binuksan, ngunit ang Port of Houston ay inaasahang magre-resume ng operasyon mamaya pang hapon.
Ilan sa oil producers, kabilang ang Shell and Chevron, ay naglikas ng kanilang mga tauhan mula sa Gulf of Mexico offshore production platforms bago pa man dumating ang bagyo.