Mummified American mountaineer, natagpuan sa Peru 22 taon pagkatapos mawala
Natagpuan na ang na-preserve na katawan ng isang American mountaineer na nawala 22 taon na ang nakalilipas habang umaakyat sa isang ‘snowy peak’ sa Peru, matapos itong ma-expose dahil sa pagkatunaw ng yelo na dulot ng climate change.
Si William Stampfl ay napaulat na nawawala noong June 2002, sa edad na 59, nang ang kaniyang climbing party ay matabunan ng avalanche sa Mount Huascaran, na mahigit 6,700 metro (22,000 talampakan ) ang taas. Hindi nagtagumpay ang isinagawa noon na search and rescue operations upang siya ay matagpuan.
Sinabi ng Peruvian police, na sa wakas ay lumitaw na ang kaniyang bangkay dahil sa natunaw na yelo sa Cordillera Blanca range ng Andes.
Ang katawan ni Stampfl, maging ang kaniyang damit, harness at boots ay na-preserba nang husto dahil sa lamig, ayon sa mga larawang ibinahagi ng pulisya.
Nakita ang kaniyang pasaporte sa kaniyang mga kagamitan, kaya nakilala ng pulisya ang kaniyang bangkay.
Ang mga bundok sa northeastern Peru, na tahanan ng snowy peaks gaya ng Huascaran at Cashan, ay paboritong akyatin ng mountaineers mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Noong Mayo, ang katawan ng isang Israeli hiker ay natagpuan doon halos isang buwan pagkatapos nitong mawala.
At nito lamang nakalipas na buwan, isang experienced Italian mountaineer ang natagpuang patay makaraang mahulog habang umaakyat sa isa pang Andean peak.