25 libong overseas job opportunities, alok sa Philippine-Japan Friendship Week
Humigit-kumulang sa 25,000 aprubadong job opportunities ang naghihintay sa mga Pinoy na naghahanap ng trabaho, sa isang espesyal na jobs fair na inorganisa ng Department of Migrant Workers (DMW) at ng Embassy of Japan, bilang pagdiriwang sa Philippines and Japan Friendship Week.
Ang espesyal na jobs fair na may titulong “Konnichiwa Pilipinas! Kumusta, Japan!,” ay gaganapin sa ikatlong palapag ng Robinsons Galleria Ortigas sa Quezon City sa August 1, 2024, simula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.
Labinglimang lisensiyadong recruitment agencies ang inaasahang lalahok sa aktibidad upang mag-alok ng mga trabaho, sa mga sektor ng constructions, medical and healthcare, hotel and restaurant, customer services, at maraming iba pa.
Layon ng DMW at ng Embassy of Japan, na magbigay ng lugar para sa Filipino job seekers na makapag-apply sa mga lehitimong recruiter, at matuto tungkol sa gender dynamics at mga potensiyal na panganib na nauugnay sa overseas labor migration, sa pamamagitan ng maikling information sessions tungkol sa Japanese-gendered work culture.