Pamantayan ng gobyerno sa pagsukat ng kahirapan ipinarepaso ng mga Senador sa NEDA
Ipinarepaso ng mga Senador sa National Economic and Development Authority o NEDA ang pagsukat nito sa kahirapan dahil hindi na makatotohanan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance, sinabi ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan na as of 2023, 64-pesos bawat araw – kada tao ang kanilang treshhold o sukatan kung mahirap ang isang tao.
Ibig sabihin, food poor lang kung hindi abot sa 64 pesos ang budget sa pagkain ng isang tao kada araw.
Sa poverty treshhold naman, sinabi ni Balisacan na hanggang noong 2023, 91-pesos per day per person ang poverty treshhold – ibig sabihin, kung kumikita ng 91 kada araw ang isang tao, hindi na mahirap.
Nang kwestyunin ng mga Senador kung makatotohanan pa ito, inamin ni Balisacan na kailangan na itong i-adjust dahil sa inflation pa lang, ubos na ang 64 kada araw sa pagkain o 20 pesos per meal kada araw.
Pero ipinaliwanag na hindi lang nila binabago ang sukatan para masukat kung epektibo ang mga polisiya at programa ng gobyerno sa pagpapababa sa poverty incidence.
Pero sabi ni Senator Grace Poe na Chairperson ng Senate Committee on Finance, hindi makukuha ng gobyerno ang tunay na antas ng kahirapan kung luma na ang gamit nilang sukatan kaya dapat aniyang mag adjust.
Hindi naman makita ni Senator Joel Villanueva ang katwiran sa higit 90 pesos na kita kada araw bilang poverty treshhold ng NEDA para sa bawat tao dahil paano ito mapagkakasya sa presyo ngayon ng bigas, manok, galunggong, kuryente at pamasahe sa jeeep.
Meanne Corvera