Comelec bukas sa panukalang drug testing sa mga kandidato sa 2025 elections
Bukas si Commission on Elections Chairman George Garcia sa panukalang isalang sa drug tests ang mga kandidato sa 2025 elections.
Sa kapihan sa Manila bay news forum, sinabi ni Garcia na maganda naman ang panukala na ito at pwedeng boluntaryong i-attach ng kandidato sa kaniyang paghahain ng Certificate of Candidacy.
Pero ang inaalala umano ni Garcia baka bumangga ito o magkaroon ng implikasyon sa desisyon ng Korte Suprema noon na nagbasura sa dating ginawa ng Comelec na nagrequire ng drug test sa mga kandidato.
Sinabi ng Korte Suprema hindi kasama ang drug test sa requirement sa pagtakbo sa eleksyon.
Ang pahayag ni Garcia ay reaksyon sa panukala ni Davao city Congressman Paolo Duterte na naglalayong amyendahan ang Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa kaniyang panukala, hinikayat ni Duterte ang mga kandidato na mag-undergo ng drug test 90 araw bago ang halalan.
Madelyn Villar – Moratillo