Suspek sa pananasaksak sa isang babae sa Caloocan, iniharap sa media
Naaresto na ang suspek sa pananasaksak sa isang babae sa Caloocan noong Martes ng gabi, kung saan inamin nitong selos ang dahilan.
Iniharap ng Philippine National Police – National Capital Regional Police Office (PNP-NCRPO) sa media ang suspek na nakilalang si Reyand Pude, na nahuli sa Tanza, Cavite kaninang madaling araw.
Si Pude ang kinakasama ng biktima na si Marianne Angeline Manaois.
Inamin ng suspek ang pagpaslang kay Manaois na dahil sa selos.
Nakita sa CCTV footage ang krimen, kung saan pinagsasaksak ng suspek ang biktima.
Agad namang nagsagawa ng manhunt operation ang pulisya.
Si Pude ay ihaharap sa piskalya sa Caloocan City at sasampahan ng reklamong murder.
Narekober naman ng pulisya ang kutsilyong ginamit ng suspek sa krimen.
Ayon kay NCRPO Regional Director Police Major General Jose Melencio Nartatez, Jr., “Narinig nyo naman kanina, he was saying that selos, at hindi niya pinagsisisihan yun. Gusto niya makuha ang cellphone. Nakuha niya ang cellphone during the incident.”
Sinabi naman ni Caloocan City Police Chief Police Colonel Paul Jady Doles, “Kinonvince po namin ang family na isuko na lang po siya. Na-convince po namin, then sinabi andun daw po siya sa Cavite.”
Moira Encina-Cruz