Drugmakers nasumpungan ng korte sa Indonesia na may pagkakasala kaugnay ng nakalalasong cough syrup
Inatasan ng isang korte sa Indonesia ang dalawang lokal na kompanya na magbagayd ng hanggang 60 milyong rupiah ($3,850), sa bawat pamilya ng mga batang namatay dahil sa acute kidney injury, o dumanas ng serious injury matapos uminom ng nakalalasong cough syrup.
Mahigit sa 200 mga bata sa Indonesia ang namatay dahil sa injury at nasa 120 naman ang nakaligtas, na ang iba ay nabuhay nang may disabilities na nagresulta upang magkaroon ng problemang pangpinansiyal ang kanilang mga magulang.
Binanggit ng mga korte sa Indonesia ang mahinang pangangasiwa ng mga kumpanya ng parmasyotiko, kabilang ang mga lokal na gumagawa ng gamot at ilang mga supplier, gayundin ang ahensya ng pagkain at gamot ng bansa (BPOM), sa ginawang mga pagdinig kaugnay sa insidente ng pagkalason.
Noong huling bahagi ng 2022, mahigit sa 20 mga pamilya ang naglunsad ng isang civil suit laban sa ahensiya, sa health ministry, at ilang mga kompanya.
Napatunayan ng mga hukom sa Central Jakarta court, na may pagkakasala ang drugmaker na Afi Farma at ang supplier na CV Samudera Chemical kaugnay ng pagkalason ng mga bata, batay sa isang desisyon na inilabas nitong Huwebes.
Napawalang sala naman ang health ministry at ang BPOM sa anumang pagkakamali.
Inatasan ng korte ang mga kompanya na bayaran ang mga magulang na naghain ng demanda, ng 50 milyong rupiah bilang kompensasyon para sa namatay na mga bata at 60 milyong rupiah naman para sa mga batang na-injured.
Ang mga magulang ay humihingi ng 3.4 bilyong rupiah para sa bawat isang bata na namatay, at 2.2 bilyong rupiah para sa mga nakaligtas.
Batay sa Statistics Bureau ng bansa, ang 2023 gross domestic product per capita ng Indonesia, ay halos $5,000.
Hindi naman agad tumugon ang abogado ng mga magulang na si Siti Habiba, nang hingan ito ng komento.
Hindi kasama sa court document na ipinost sa kanilang website ang mga dahilan para sa desisyon.
Sinabi ni Atty. Reza Wendra Prayogo, abogado ng Afi Farma, “The firm was ‘disappointed’ with the civil case ruling and the company was still considering its next legal step.”
Noong isang taon, nasumpungan ng isang criminal court ang East Java-based drugmaker na Afi Farma, na guilty sa kapabayaan at ikinulong ang mga opisyal nito dahil sa hindi pagsubok sa mga sangkap na ipinadala ng kanilang supplier.
Ang cough syrups ay nagtataglay ng ethylene glycol (EG), isang kemikal na karaniwang ginagamit sa produktong gaya ng brake fluid at antifreeze.
Ayon sa isang court document mula sa naturang criminal case, ang konsentrasyon ng EG sa nabanggit na cough syrups ay umabot ng hanggang 99%, gayong ang international standards ay 0.1% lamang ng EG ang “safe for consumption.”
Paulit-ulit namang itinaggi ng kompanya na mayroon silang kapabayaan.
Hindi naman makontak ang CV Samudera Chemical, isang Indonesian soapmaker, na ang nakalalasong sangkap ay ipinadala sa Afi Farma, ayon sa court document ng Afi Farma criminal case noong 2023.
Sinabi ng World Health Organization, na ang kontaminadong gamot ay pumatay din ng mga bata sa Gambia at Uzbekistan noong 2022.