Health protocols kontra mpox hiniling na mailatag para sa mga manggagawa
Hinikayat ng Trabaho Partylist ang gobyerno na maglatag ng health at safety protocols para masiguro ang kaligtasan ng mga manggagawa laban sa mpox.
Ayon kay Atty. Filemon Javier ng Trabaho Partylist, nakababahala ito lalo at idineklara na ng World Health Organization ang mpox na isang global health emergency.
Para sa Trabaho Partylist, hindi na dapat maulit ang mga pagkakamali noong COVID-19 pandemic, kaya’t dapat magtulungan na ang pamahalaan, taumbayan, at mga negosyante.
Dapat aniyang mag-usap ang DOH at Department of Labor and Employment, para ilatag sa mga manggagawa ang mga dapat gawin at iwasan upang kontrahin ang pagkalat ng mpox.
Giit ni Javier, dapat ding mag-activate ng internal protocols ang mga employer bilang mabilis na pagresponde, kung sakaling magkaroon ng kaso ng mpox sa kanilang mga opisina.
Payo naman nya sa mga manggagawa, agarang kumonsulta sa medical professional kung makaramdam sila ng sintomas ng mpox.
Madelyn Villar-Moratillo