Kapitan ng lumubog na yate sa Sicily iimbestigahan
Iimbestigahan ng Italian prosecutors ang kapitan ng superyacht kung saan lulan ang British tech magnate na si Mike Lynch, na lumubog sa Sicily noong nakaraang linggo sa gitna ng malakas na bagyo, na ikinamatay ni Lynch at ng anim na iba.
Ang pagsasailalim sa pagsisiyasat sa Italya ay hindi nagpapahiwatig ng pagkakasala at hindi nangangahulugan na susundan ito ng pormal na mga kaso.
Ayon sa mga pahayagang La Repubblica at Corriere della Sera, ang 51-anyos na si James Cutfield, isang New Zealand national, ay iimbestigahan para sa pagpatay ng tao at pagsira ng barko.
Sa ulat ng Repubblica, nakipag-usap ang mga mahistrado kay Cutfield noong Linggo sa pangalawang pagkakataon upang kuwestiyunin ito sa loob ng dalawang oras. Ayon sa ulat, maaaring imbestigahan din ng prosecutors ang isang crew member na naka-duty nang tumama ang bagyo at nakaligtas sa insidente.
Ang British-flagged Bayesian, isang 56-metrong haba (184-talampakang) superyacht, ay may lulang 22 katao nang tumaob ito at lumubog noong Lunes sa loob ng ilang minuto matapos hampasin ng bagyo, bago magmadaling araw habang naka-angkla sa hilagang Sicily.
Labinlima katao ang nakaligtas, kabilang ang asawa ni Lynch, na ang kumpanya ang siyang nagmamay-ari sa Bayesian. Ang 18-taong-gulang na anak na babae ni Lynch, na si Hannah, ay kabilang din sa mga namatay.
Sinabi ng pinuno ng public prosecutor’s office ng Termini Imerese na si Ambrogio Cartosio, “While the yacht had been hit by a sudden meteorological event, it was plausible that crimes of multiple manslaughter and causing a shipwreck through negligence had been committed.”
Sa ilalim ng maritime laws, nasa kapitan ang buong responsibilidad para sa barko, tripulante, at lahat ng nakasakay dito.
Hindi pa nagbibigay ng anumang pahayag sa publiko si Cutfield at ang walo niyang nakaligtas na crew tungkol sa nangyaring sakuna.
Sa isang panayam sa La Stampa ay sinabi ni Franco Romani, isang nautical architect na bahagi ng team na nagdisenyo sa yate, “The Bayesian was built to go to sea in any weather. It was likely the yacht had taken on water from a side hatch that was left open.”
Aniya, “The crew underestimated the bad weather and that they should have made sure that all openings had been shut and the anchor removed before the storm hit the boat.”