Libu-libong Rohingya tumakas patungong Bangladesh mula sa Myanmar dahil sa karahasan
Humigit-kumulang 8,000 Rohingya Muslims ang lumikas patungong Bangladesh nitong nakalipas na mga buwan, upang takasan ang tumitinding karahasan sa western Rakhine state ng Myanmar.
Tumindi ang karahasan habang patuloy na lumalala ang labanan sa pagitan ng ruling junta ng Myanmar at ng Arakan Army, isang makapangyarihang ethnic militia na nagmula sa Buddhist majority.
Sinabi ni Mohammad Shamsud Douza, isang senior official na namamahala sa mga refugee para sa Bangladeshi government, “We have information that around 8,000 Rohingya crossed into Bangladesh recently, mostly over the last two months. Bangladesh is already over-burdened and unable to accommodate any more Rohingya.”
Noong una ay hindi nagbigay ang Bangladesh government ng anumang estimate sa kung gaano karami nang Rohingya ang tumawid sa kanila sa nakalipas na ilang buwan.
Ayon sa de-facto foreign minister ng Bangladesh na si Mohammad Touhid Hossain, “The government will hold a ‘serious discussion at the cabinet’ within the next two to three days to address the crisis.”
Bagama’t nagpahayag ng simpatiya para sa Rohingya, sinabi ni Hossain na wala nang kapasidad ang bansa na magkaloob pa ng humanitarian shelter para sa dagdag na refugees.
Aniya, “It is not possible to fully seal the border. The efforts will be made to prevent further infiltration.”
Libu-libong mga Rohingya refugee sa Bangladesh ang nagsagawa ng mga rally sa mga kampo noong Agosto 25, bilang paggunita sa ika-pitong anibersaryo ng 2017 military crackdown na pumuwersa sa kanila na tumakas mula sa Myanmar, at humihiling na itigil na ang karahasan upang ligtas na silang makabalik sa sarili nilang bayan.
Mahigit sa isang milyong Rohingya ang kasalukuyang naninirahan sa overcrowded camps sa southern Bangladesh, na may kakaunting pag-asang makabalik sa Myanmar, kung saan pinagkakaitan sila ng pagka-mamamayan at iba pang pangunahing karapatan.
Ang kamakailang pagdagsa ng karahasan ay ang pinakamatinding hinarap ng Rohingya mula nang mangyari ang 2017 Myanmar military-led campaign, na inilarawan ng United Nations na may genocidal intent.
Noong Agosto ay sinabi ni Hossain, na hindi na maaaring tumanggap ang Bangladesh ng dagdag pang Rohingya refugees at nanawagan sa India at iba pang mga bansa na gumawa ng aksiyon.
Hinimok din niya ang international community na dagdagan ang pressure sa Arakan Army, na ihinto na ang mga pag-atake sa Rohingya sa Rakhine state.