Kauna-unahang Tourist Rest Area ng Department of Tourism itatayo sa Sulu
Pinaghahandaan na ng pamahalaang panlalawigan ng Sulu ang pagdating ni Department of Tourism (DOT) Secretary Ma. Christina Frasco, para pangunahan ang groundbreaking ceremony sa itatayong Tourism Rest Area o TRA sa sentrong bayan ng Jolo.
Sinabi ni Sulu Governor Abdusakur Tan, na layunin nito na maipakita ng lalawigan ang kanilang dedikadong pagsisikap na maitaguyod bilang pinakamahusay na destinasyon ng turista sa bansa ngayon.
Photo courtesy: LGU Sulu
Ito aniya ang kauna-unahang gusali ng DOT sa timugang bahagi ng bansa.
Una nang ipinaliwanag ni tourism Undersecretary Myra Paz Valderrosa-Abubakar, na nakita ni Frasco ang seryosong pangako ng pamahalaang panlalawigan sa pagbuo ng mga potensyal na turism site sa lalawigan.
Napansin aniya ng kalihim na handa Sulu na tumanggap ng mga lokal at dayuhang turista, at ipakita ang kagandahan ng mga lugar na potensiyal na maging sentro ng turismo.
Sulu 634th Bangsa Sug celebration / Photo courtesy: LGU Sulu
Nasaksihan rin Usec. Abubakar ang iba’t ibang aktibidad ng lalawigan sa pagbubukas ng kanilang 634th Bangsa Sug celebration, kung saan nagpamalas ng galing at nagpakita ng Tausug Culture ang mga kalahok sa street dance mula sa labingsiyam na bayan sa lalawigan ng Sulu.
Naaliw ang mga dayuhang bumisita sa lalawigan dahil sa kanilang pagtatanghal, gamit ang maliit na bamboo flute, at iba pang sinaunang mga kasangakapang pangmusika, at kaakit-akit na sayaw ng mga Tausug suot ang makukulay na damit.
Sulu 634th Bangsa Sug celebration / Photo courtesy: LGU Sulu
Samantala, umaasa ang gobernador na makatutulong sa kabuhayan ng mga nakatira sa isla ang malaking proyekto na bubuksan ng DOT sa kanilang lugar.
Ito ay sa kabila nang inalis na ng Supreme Court ang kanilang lalawigan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Ely Dumaboc