Ilan sa itinuturing na umano’y kabilang sa dynasty sa pulitika, naghain na ng kanilang COC
Naghain na ng kanilang Certicate of Candidacy (COC), ang ilan sa mga itinuturing na kabilang umano sa dynasty sa pulitika, sa ika-apat na araw ng paghahain nito para sa midterm elections sa Mayo ng susunod na taon.
Ngayong Biyernes ay naghain si Las Piñas Congresswoman Camille Villar, na kakandidato ngayon bilang Senador.
Las Piñas Congresswoman Camille Villar
Si Camille Villar ang papalit sa kaniyang ina na si Senador Cynthia Villar, na matatapos na ang termino sa Senado sa June 2025 at napaulat na tatakbong kongresista ng Las Piñas.
Ayon sa mambabatas, sakaling palarin siya na makapasok sa Senado, bilang isang millenial ay isusulong niya ang mga bagong pananaw at solusyon sa problema sa edukasyon, pabahay at iba pang problema ng mga Pilipino.
Dumepensa naman ang kongresista sa mga batikos hinggil sa pagiging kabilang nila sa dinastiya sa pulitika.
Aniya, taumbayan pa rin naman ang pumipili at nagluluklok sa kanila sa puwesto.
Ayon sa kongresista, “We were all elected officials. My father, my mother, my brother. Nagpapasalamat po kami ng taos puso sa pagsuporta at pagbibigay ng tiwala sa pamilya Villar. Gusto naming makatulong sa nakararami sa pamamagitan ng pangarap, sipag at tiyaga.”
Si Camille ang ika-apat sa pamilya Villar na tumakbo bilang senador.
Senador Mark Villar, Congresswoman Camille Villar and former Senator Manny Villar
Bukod sa kaniyang na matatapos na ang termino sa susunod na taon, miyembro ng senado ang kapatid nito na si Senador Mark Villar, habang naging Senate President ang kaniyang ama na si dating Senador Manny Villar.
Samantala, bukod kay Villar ay naghain din ng COC sa pagkasenasdor si Makati Mayor Abigail Binay.
Makati Mayor Abigail “Abby” Binay
Si Abigail ang papalit sa kapatid na si Senador Nancy Binay na graduating na rin sa senado, at kakandidato namang alkalde ng Makati.
Sinabi nito na tatakbo siya sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition, na kaalyado naman ng Alyansa ng Bagong Pilipinas ng administrasyon.
Bilang isa ring abogado, gagamitin niya ang kaniyang karanasan bilang dati ring kongresista sa pagbalangkas ng mga batas.
Kinumpirma ni Abigail na makakatapat ng kaniyang kapatid sa mayoralty race sa Makati, ang kaniyang asawa na si Luis Campos.
Ayon kay Abby Binay, “No discussion, we will let the people decide.”
Matapos naman ang pagkatalo sa nakaraang halalan, tatangkain ng labing-isang miyembro ng Makabayan Block na pumasok sa senado at ngayong araw ay naghain na rin ng COC.
Hanggang kaninang alas onse ng umaga, ay umabot na sa 51 mga kandidato sa pagkasendor ang naghain ng kanilang COC, habang 36 naman ang partylist groups.
Meanne Corvera