Victim survivors sa umano’y pang-aabuso ni KOJC leader Apollo Quiboloy, humarap din sa pagdinig ng senado
Sa kabila ng masamang panahon ay itinuloy ng Senate Committee on Women and Children sa pangunguna ni Senador Risa Hontiveros, ang pagdinig sa mga alegasyon ng sexual abuse at human trafficking laban kay KOJC leader Apollo Quiboloy.
Ito ang unang beses na dumalo si Quiboloy sa imbestigasyon ng senado at makaharap ang mga biktima na umano’y inabuso niya.
Sa pagdinig, naging emosyunal ang isang volunteer worker ng KOJC bilang National Logistics Coordinator at Luzon area administrator na si Teresita Valdehueza, sa ginawang paglalahad ng naging karanasan niya sa kamay ng KOJC leader.
Kuwento ni Valdehueza, 17 siya nang simulan siyang pagsamantalahan ni Quiboloy.
Bago siya naging volunteer worker noong October 1993, ay inuutusan daw siya na matulog katabi ni Quibooy, at dun daw nito ginagawa ang pag-abuso sa kaniya.
Ginawa raw siyang lider ng logistics na nag-o-organize ng carollers na kailangang maka-quota ng hanggang 15-million pesos tuwing Disyembre.
Siya rin ang nag-o-organize ng mga miyembro ng KOJC na pinagtitinda ng kakanin na binibigyan ng quota na 500 hanggang 1000 piso kada araw.
Isinama raw siya sa Amerika ni Quiboloy, kung saan nag-ikot sila sa mga bansa sa buong mundo at nagpakasasa sa mamahaling mga pagkain at iba pang gamit.
Pero dahil nanlamig siya sa samahan kaya pinauwi siya sa Pilipinas at inilagay sa isang isolation room at nakaranas ng matinding gutom.
Sinabi naman ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo, na hanggang ngayon ay walang natatanggap na formal request ang Pilipinas para sa extradition ni Quiboloy mula sa US, bagama’t may extradition treaty ang Pilipinas at Amerika.
Wala rin aniyang nakukuhang request ang DFA para sa assistance ng sinumang Pinoy sa US, na maaaring naging biktima ng human trafficking ni Quiboloy, pero handa aniya ang DFA na magbigay ng assistance.
Ayon kay Manalo, “As of this date, the DFA has not receive a formal extradition request from US. As for Filipino nationals in US who may have been victims of human trafficking, our foreign service posts have not receive any request for assistance.”
Meanne Corvera