Press briefing ng NDRRMC, pinangunahan ni PBBM
Pinangunahan ni Pangulong Bongbong Marcos ang isinagawang press briefing ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), tungkol sa pananalasa ng Bagyong Kristine.
Agad na ipinag-utos ni PBBM ang unti-unting pagpapalabas ng tubig sa mga dam upang mapaghandaan ang malalakas na pag-ulan na dala ng Bagyong Kristine.
Ito ay upang maiwasan ang pag-apaw ng mga dam. Pero binigyang-diin ng Pangulo na dapat itong planuhing mabuti upang hindi magdulot ng pinsala sa pagbaha sa mga mabababang lugar.
Sa tala naman ng Office of Civil Defense (OCD), isa na ang casualty mula sa Palanas, Masbate makaraang tamaan ng bumagsak na sanga ng puno, 5 ang nasugatan kung saan apat ay mula sa Northern Samar at isa sa Camarines Norte.
Nakapagtala rin ng pitong nawawala, kung saan tatlo rito ay sa Masbate, 3 sa Daanbantayan sa Cebu, at isa sa Pilar, Cebu.
Limampu’t pito naman ang napinsalahang mga bahay, 49 rito ay partially damaged habang 8 ang totally damaged.
Samantala, wala pang estimated damage sa sektor ng agrikultura at imprastraktura, habang nasa mahigit dalawang milyong foods packs na ang nakastandby at ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), ay nagsimula na silang mamamahagi.
Ang Bagyong Kristine ay inaasahang magla-landfall mamayang gabi o bukas ng umaga, Huwebes, sa Isabela o Aurora, at sa Biyernes naman ay inaasahang lalabas na ito ng Philippine Area of Responsibility.
Eden Santos