DOJ makikipag-tulungan sa social media platforms at money services businesses para mapigilan ang access sa mga illegal child exploitation content
Pinag-aaralan na ng Department of Justice (DOJ) ang mas matibay na kolaborasyon sa money services businesses at social media platforms, upang masawata ang access at pagpopondo sa mga ilegal na child exploitation content online.
Ang anunsiyo ay inilabas ng DOJ kasunod ng conviction ng korte sa Paris laban sa French national at animator na si Bouhalem Bouchiba.
Si Bouchiba ay sinentensyahan na makulong sa loob ng 25 taon, dahil sa pag-uutos at pagbabayad ng pag-livestream sa rape at sexual assault ng mga batang babae na may edad 5 hanggang 10 taong gulang sa Pilipinas, sa pagitan ng 2012 at 2021.
Naalerto ang mga awtoridad sa European Union sa mga aktibidad dahil sa mga kahina-hinalang money transfer sa Pilipinas.
Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla, na mahalaga ang papel ng money services businesses at social media platforms sa pagtukoy at pagpigil sa daloy ng mga salapi para sa illegal child exploitation content and access sa harmful sites.
Aniya, kinakailangan ang “whole-of-nation” approach kasama ang mga pribadong kumpanya sa paglaban sa human trafficking at sa online sexual abuse at exploitation ng mga bata.
Moira Encina-Cruz