Dengue cases sa NCR umabot na sa epidemic threshold
Umabot sa epidemic threshold ang mga kaso ng dengue na naitala sa National Capital Region.
Ayon kay Grace Labayen ng epidemiology surveillance unit ng DOH – NCR, nangangahulugan ito na mas mataas kaysa normal ang naitalang kaso ng sakit kaya kailangan maging alerto.
Mula aniya Enero hanggang Oktubre 26 ng taong ito nakapagtala ng 24,232 dengue cases sa Metro Manila.
Mas mataas ito ng 34.47% kumpara sa naitala noong 2023.
May 66 naman ang nasawi dahil sa dengue.
Pinakamataas na kaso ay naitala sa Quezon City habang ang Pateros naman ang may pinakamataas na attack rate.
Ang attack rate ay ang porsyento ng mga tao sa isang tukoy na lugar na tinamaan ng sakit.
Pinakamarami sa tinamaan ng dengue ay mga batang nasa edad 5 hanggang 9 na taong gulang.
Bilang tugon nagsasagawa na ng lecture ang DOH sa mga barangay at eskwelahan lalo at mga school age children ang karaniwang tinatamaan ng sakit.
Namahagi na rin sila ng dengue test kits sa mga lolal na pamahalaan para sa mabilis na pagtukoy sa mga kaso ng dengue.
Madelyn Villar – Moratillo