Isyu ng karapatang pantao maaaring rason sa pagkansela ng US visa ni Royina Garma –SOJ Remulla
Posibleng may kinalaman sa isyu ng karapatang pantao ang sanhi kaya kinansela ang US visa ni retired police colonel Royina Garma.
Ito ang inihayag ni Justice Secretary Crispin Remulla kasunod ng pagharang ng mga awtoridad ng US kay Garma at sa anak nito.
Si Garma ang isa sa mga tumestigo sa pagdinig ng House Quad Committee kaugnay sa drug war killings ng nakaraang administasyon.
Wala namang impormasyon ang kalihim kung hiniling ng gobyerno ng Pilipinas na kanselahin ang visa ni Garma.
Ayon kay Remulla, “I think that’s a human right issue that was considered by the US gov’t in cancelling her visa. I don’t know who ask for it but certainly when she was in Japan going to the US, she was informed that her visa was cancelled already.”
Sinabi pa ni Remulla, na nagpapatuloy din ang case build-up ng binuong drug war task force ng DOJ laban kina Garma, kaugnay sa pagkakasangkot sa mga patayan sa giyera kontra droga.
Ani Remulla, “Ang purpose ng case build up is to make sure that cases to be filed are strong cases, we can’t just keep filimg cases that have no legal basis or no evidence whatsoever. She may be part of it in one way or another, or she may be a suspect in one way or another.”
Moira Encina-Cruz