DOJ nilinaw na hindi itatalagang terorista si VP Sara

Itinanggi ng Department of Justice (DOJ) na gagamitin nito ang Anti -Terrorism Law para mahabol o ma-freeze ang mga ari-arian at maideklara bilang terorista si Vice President Sara Duterte.

Una nang sinabi ni Justice Undersecretary Jessie Hermogenes Andres Jr. na isa sa mga iniimbestigahan ng DOJ ay ang posibleng paglabag ni VP Sara sa Anti- Terror Act of 2020 dahil sa pagkausap sa isang tao na patayin ang Pangulo, ang first lady, at ang House Speaker sakaling siya ay mamatay.

Niliwanag ni Andres na hindi ang layunin ng DOJ ay ma-designate na terorista ang bise-presidente dahil ang ATA ay hindi lang tumutukoy sa mga akto ng terorismo.

Sinabi pa ng opisyal na iba ang proseso at iba ang mga ebidensya na kailangan sa designation ng terorista.

Ipinunto rin ni Andres na hindi kailangan na maitalaga na terorista ang isang tao para mapanagot sa ilalim ng Anti Terror law dahil kabilang sa pinaparusahan sa nasabing batas ay ang panukala, paghimok na gumawa ng terorismo o pinsala sa buhay ng mga tao.

Maaari rin aniyang maparusahan sa ilalim ng ATA ang simpleng pakikipagsabwatan ng dalawang tao para ilagay sa panganib ang buhay ng ibang tao.

Inihayag ni Andres na wala sisinuhin ang DOJ sa kanilang imbestigasyon kahit pa gaano ka-impluwensya at makapangyarihan ang mga sangkot lalo na kung lumabag ang mga ito sa batas.

Moira Encina- Cruz

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *