Mga problema ni VP Sara, sarili niyang kagagawan – HREP ‘Young Guns’
Sarili rin niyang kagagawan at sa “sarili niyang playbook” kung bakit nagkakaproblema ngayon si Vice President Sara Duterte, ayon sa mga mambabatas na kabilang sa “Young Guns” bloc sa House of Representatives.
Sa isang press conference, binalewala ng mga mambabatas ang inaangkin ni Duterte na sinusundan ng kasalukuyang administrasyon ang kaparehong “playbook” na umano’y ginamit laban kay dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves, Jr., na ibinilang na isang terorista ng Anti-Terrorism Council.
Ayon kay VP Sara, iisang taktika na binansagan niyang “Arnie Teves Playbook,” ang ginagamit para i-freeze ang kaniyang mga ari-arian at assests sa pamamagitan ng pagbato sa kaniya ng isang anti-terrorism case.
Sinabi ni House Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jay Khonghun, na ang mga problema ni Duterte ay dahil din sa kaniya mismong mga aksiyon.
Ayon kay Khonghun, “This is another statement from the Vice President that she should carefully consider because she thinks there is a grand scheme. But actually, this is the result of her own actions and words.”
Binanggit ng mambabatas ang kahalagahan ng due process, at sinabing dapat na imbestigahan mabuti ng ahensiyang gaya ng Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) ang mga aksiyon ng bise presidente.
Una nang sinabi ng DOJ, na maaring mapanagot si Duterte sa ilalim ng Anti-Terror Act (ATA) kasunod ng kaniyang pahayag na kumontrata na siya ng papatay sa pangulo at kay Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, maging kay House Speaker Martin Romualdez, sakaling mauna siyang maipapatay.
Ang batas ay nilagdaan noong 2020 ng kaniyang ama, na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Khongjun, “We see the law against terrorism and we see that she has violations there. But we need to let the DOJ, NBI, and our law enforcement units investigate.”
Kinatigan naman ni Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V ang mga pahayag ni Khonghun, sa pagsasabing sariling “playbook” iyon ni Duterte dahil siya ang responsable sa sarili niyang problema.
Ani Ortega, “This is not someone else’s playbook. This is her own playbook. She is the only one who has attempted to threaten to kill our President, the First Lady, and our Speaker.”