Israel at Hezbollah, nagbatuhan ng akusasyon ng paglabag sa ceasefire
Binomba ng air force ng israel ang isang pasilidad na ginagamit ng Hezbollah para pag-imbakan ng mid-range rockets sa southern Lebanon, makaraang magbatuhan ng akusasyon ang magkabilang panig nang paglabag sa isang ceasefire, na naglalayong matigil ang isang taon nang labanan.
Sinabi pa ng Israel, na pinaputukan din nila ang mga tinawag nilang “suspects” na ang mga sasakyan ay nakitang pumasok sa iba’t ibang lugar sa southern zone, sa pagsasabing paglabag iyon sa kasunduan nila ng Iran-backed armed group na Hezbollah, na nagkabisa noong Miyerkoles.
Sa panig naman nila ay inakusahan ni Hezbollah lawmaker Hassan Fadlallah ang Israel ng paglabag sa ceasefire dahil inaatake aniya nila ang mga nagsisibalik sa border villages.
Ayon kay fadlallah, “The Israeli enemy is attacking those returning to the border villages, there are violations today by Israel, even in this form.”
Ilang ulit ding inakusahan ng Lebanese army ang Israel ng paglabag sa kasunduan, noong Miyerkoles at kahapon, Huwebes.
Ang palitan ng mga akusasyon ay nagbigay-diin sa kahinaan ng ceasefire deal, na isinaayos ng Estados Unidos at France upang wakasan ang tunggalian. Ang kasunduan ay tatagal ng animnapung araw sa pag-asang magkakaroon ng isang permanenteng pagtigil ng mga labanan.
Ang airstrike ng Israel noong Huwebes ang una simula nang magkabisa ang kasunduan noong Miyerkoles ng umaga. Sinabi ng Lebanese security sources at ng Al Jadeed broadcaster na nangyari ito malapit sa Baysariyah, hilaga ng Litani River.
Ang kasunduan sa tigil-putukan ay nagsasaad na ang mga hindi awtorisadong pasilidad ng militar sa timog ng Litani River ay dapat lansagin, ngunit hindi binabanggit ang mga pasilidad ng militar sa hilaga ng ilog.
Nauna rito, tinamaan ng pag-atake ng tangke ng Israel ang limang bayan at ilang mga agricultural fields sa southern Lebanon, ayon sa state media at Lebanese security sources, na nagsasabing hindi bababa sa dalawang tao ang nasugatan.
A man walks past rubble of destroyed buildings which was previously a market area, in the southern Lebanese town of Nabatieh, on the second day of the ceasefire between Israel and Hezbollah, Lebanon November 28, 2024. REUTERS/Adnan Abidi
Ang lahat ng mga lugar sa loob ng 2 km (1.2 milya) ng Blue Line ay nagmamarka sa hangganan sa pagitan ng Lebanon at Israel, isang lugar na inihayag ng militar ng Israel bilang isang no-go zone sa kahabaan ng hangganan, kahit na napagkasunduan na ang ceasefire.
Sinabi ng militar ng Israel sa isang pahayag na natukoy nito ang ilang kahina-hinalang aktibidad na nagdudulot ng banta at paglabag sa mga kondisyon ng kasunduan sa tigil-putukan.
Sinabi ni Chief of the General Staff Herzi Halevi, “Any deviation from this agreement will be enforced with fire.”
Noong Huwebes ay sinabi ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu, na inatasan niya ang militar na maging handa sa isang maigting na labanan kapag ang ceasefire ay nalabag.
Sa isang panayam ay sinabi ni Netanyahu, “We are enforcing powerfully. But if needed I gave a directive to the IDF – be prepared in case there is a violation of the framework of the ceasefire, for an intense war.”
Tinangka ng Lebanese families na na-displace mula sa kanilang tahanan malapit sa southern border, na balikan ang kanilang bahay upang tingnan ang kanilang mga ari-arian. Ngunit ang Israeli troops ay naka-istasyon pa rin sa loob ng Lebanese territory sa mga bayan sa kahabaan ng hangganan at batay sa ulat ng Reuters, nakarinig sila ng surveillance drones na lumipad sa ibabaw ng ilang bahagi ng southern Lebanon.
Sa ilalim ng ceasefire terms, ang Israeli forces ay mayroong hanggang 60 araw upang umalis mula sa southern Lebanon, at ang magkabilang panig ay hindi maaaring maglunsad ng offensive operations.
Nasa 60,000 kataong lumikas mula sa kanilang tahanan sa hilaga ang hindi pa rin pinapayagang makauwi.
Ayon sa Hezbollah, “Our fighters remain fully equipped to deal with the aspirations and assaults of the Israeli enemy, and our forces will monitor Israel’s withdrawal from Lebanon with our hands on the trigger.’