Impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte kulang na ng panahon
Kakapusin na ng oras ang anumang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang sinabi ni House Secretary General Reginald Velasco sa isang ambush interview.
Inihayag ni Velasco na mayroon na lamang nalalabing siyam na session days ang Kamara ngayong taon, dahil December 19 ay holiday break na at ang balik ng sesyon ay sa January 13 na ng susunod na taon.
Niliwanag ni Velasco, na kung mayroong maghahain ng impeachment complaint laban sa bise presidente ngayon, kailangan ng 10 session days para ito ay aksiyunan ng Office of the Secretary General, dahil kailangan pa itong tingnan kung kumpleto ang requirements tulad ng endorsement ng isang congressman kung ang nagfile ay hindi miyembro ng kamara, at pagkatapos ay isusumite sa Office of the Speaker para mai-forward sa Committee on Rules.
Dadalhin naman ito sa plenaryo pagkatapos upang mai-refer sa Committee on Justice para sa determinasyon ng forms and substance, at kailangan dito ay 130 days.
Nilinaw pa ni Velasco, na pagsapit ng February ng susunod na taon ay magsisimula na ang campaign period para sa May 2025 Midterm elections.
Hindi naman masabi ni Velasco, kung hindi na maisusulong ang impeachment laban kay VP Sara ngayong 19th Congress na magsasara sa June 30, 2025 dahil nasa pagpapasya pa rin ng mga kongresista ang lahat ng proseso ng impeachment.
Naniniwala naman ito na ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na pag-aaksaya lamang ng panahon ang impeachment proceedings laban kay VP Sara, ay isang suggestion lamang at hindi ito isang utos para panghimasukan ang trabaho ng kamara bilang isang co-equal branch ng gobyerno.
Batay sa mga kumakalat na report, naghahanda ng impeachment complaint laban kay VP Sara ang Makabayan Block sa kamara, maging ang Magdalo Group ni dating Sen. Antonio Trillanes.
Vic Somintac