Ex DILG Sec. Benhur Abalos naghain ng kontra-salaysay sa DOJ kaugnay sa pagtugis noon kay Apollo Quiboloy
Nagtungo sa Department of Justice (DOJ) si dating Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos para isumite ang kontra-salaysay sa mga reklamo na inihain laban sa kaniya kaugnay sa pagtugis noon ng PNP kay KOJC leader Apollo Quiboloy.
Ang mga reklamo laban kay Abalos ay inihain ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang administrator ng KOJC properties.
Pinanumpaan ni Abalos sa mga piskal sa DOJ ang kaniyang 15-pahinang counter-affidavit laban sa mga reklamong malicious mischief, violation of domicile, grave miscound, grave abuse of authority at conduct unbecoming of a police officer.
Nanindigan ang dating kalihim na ginawa lang ng mga otoridad ang tungkulin nila na ipatupad ang batas at isilbi ang arrest warrant laban kay Quiboloy na nahaharap sa iba’t ibang mabibigat na kaso.
Aniya, hindi nito pinagsisihan ang mga hakbangin ng PNP para tuluyang mahuli si Quiboloy at maiharap ito sa korte.
Iginiit pa ni Abalos na tama at walang nilabag ang mga pulis na panuntunan o batas sa pagsalakay noon sa compound ng KOJC sa Davao City at sa pag-aresto sa lider ng grupo.
Batay pa sa kontra-salaysay ng dating kalihim, wala itong aktuwal na partisipasyon sa operasyon sa KOJC compound kaya dapat na mabasura ang mga reklamo.
Moira Encina – Cruz