Hezbollah rockets bumagsak malapit sa Tel Aviv pagkatapos ng malaking pag-atake ng Israel sa Beirut
Nagpakawala ng sunod-sunod na rockets ang Hezbollah movement ng Lebanon patungo sa Israel, na ayon sa Israeli military ay sumira o sumunog ng mga bahay malapit sa Tel Aviv, kasunod ng isang malakas na Israeli strike na ikinamatay ng hindi bababa sa 29 katao sa Beirut.
Inatake rin ng Israel ang Hezbollah-controlled southern suburbs ng Beirut, kung saan ang matitinding pambobomba sa nakalipas na dalawang linggo ay nakasabay ng mga senyales ng progreso sa U.S.-led ceasefire talks.
Ayon sa Hezbollah, na una nang nangako na gaganti sa nangyaring pag-atake sa Beirut sa pamamagitan ng pagtarget sa Tel Aviv, naglunsad sila ng precision missiles sa dalawang military sites sa Tel Aviv at kalapit na lugar.
Sinabi ng mga pulis na maraming impact sites sa lugar ng Petah Tikvah, sa eastern side ng Tel Aviv, at may mga taong nagtamo ng minor injuries.
Ayon sa Israel Defense Forces (IDF) isang direct hit naging sanhi upang masunog ang mga bahay at masira. Kita sa isang television footage ang isang apartment na sinira ng rocket fire.
Sinabi ng Israel military, na ang Hezbollah ay nagpakawala ng 250 rockets sa Israel, ngunit marami rito ang naharang. Hindi naman bababa sa apat katao ang nasaktan dahil sa shrapnel.
Sa video na nakuha ng Reuters, makikita ang pagsabog ng isang projectile nang tumama ito sa bubong ng isang gusali sa northern Israeli city ng Nahariya.
Ayon sa security sources sa Lebanon, nagbanta ang Israeli military sa social media na plano nitong targetin ang Hezbollah facilities sa southern Beirut bago nangyari ang pag-atake na nagpaguho sa dalawang apartment blocks.
Pagkatapos nito, sinabi ng IDF na tinamaan nito ang command centers na nasa pagitan ng civilian buildings.
Noong Linggo ay sinabi ng Israeli military na nagsagawa sila ng mga pag-atake laban sa 12 Hezbollah command centers sa southern Beirut suburb ng Dahiyeh.
Habang noong Sabado naman, ay isinagawa nito ang isa sa pinakamapaminsala at pinakamalakas na pag-atake sa sentro ng Beirut.
Noon ding Linggo ay itinaas ng health ministry ng Lebanon sa 29 mula sa 20 ang bilang ng mga namatay. Ayon dito, kabuuang 84 katao ang namatay noong Sabado, kaya ang bilang ng mga namatay ay 3,754 na simula noong October 2023.
Hindi naman nagkomento ang IDF tungkol sa nangyaring pag-atake noong Sabado sa Lebanese capital o tinukoy man kung ano ang kanilang inatake.
Nagsimula ang Israel sa opensiba laban sa Hezbollah na suportado ng Iran noong Setyembre, kung saan tinarget ng mga pag-atake ang timog, ang Bekaa Valley at ang southern suburb ng Beirut, pagkatapos ng halos isang taon nang labanan na pinasiklab ng digmaan sa Gaza.
Sinabi ng Israel na layunin nitong matiyak ang pag-uwi ng libu-libong mga tao na lumikas mula sa hilaga nito dahil sa mga pag-atake ng rocket ng Hezbollah, na nagpaputok bilang suporta sa Hamas sa pagsisimula ng digmaan sa Gaza noong Oktubre 2023.
Samantala, binanggit ng U.S. mediator na si Amos Hochstein ang progreso sa mga negosasyon sa panahon ng kaniyang pagbisita sa Beirut noong nakaraang linggo, bago bumiyahe upang nakipagkita kay Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu at Defence Minister Israel Katz, at pagkatapos ay bumalik sa Washington.
Ayon naman sa European Union foreign policy chief Josep Borrell, isang U.S. ceasefire proposal ang naghihintay ng final approval mula sa Israel.
Aniya, “We must pressure the Israeli government and maintain the pressure on Hezbollah to accept the U.S. proposal for a ceasefire.”
Noong Linggo ay sinabi ng Lebanese army na isang sundalo ang napatay at 18 iba pa ang nasaktan sa pag-atake ng Israel na nagbunga ng malubhang pinsala sa isang army centre sa Al-Amiriya malapit sa southern city ng Tyre.
Sinabi naman ng Israeli military na ikinalungkot nila ang insidente at nagsasagawa na sila ng imbestigasyon, at nilinaw na ang kalaban nila ay ang Hezbollah at hindi ang Lebanese Army.
Ayon kay Borrell, sinabi ng EU na handa itong maglaan ng 200 million euros ($208 million) upang suportahan ang Lebanese army.