Isa patay, tatlo ang nasaktan nang bumangga ang isang DHL cargo plane sa isang bahay malapit sa Vilnius airport
Isa ang namatay habang tatlo katao naman ang nasaktan nang tumama ang isang DHL cargo plane sa isang bahay habang papalapag sa Vilnius airport sa Lithuania nitong Lunes ng umaga.
Ang flight na ino-operate ng SWIFT airline sa ngalan ng DHL, ay umalis mula sa Leipzig, Germany bago ang insidente bandang 0330 GMT, ayon sa isang tagapagsalita para sa governmental National Crisis Management Center.
Lahat naman ng mga tao na nasa bahay ay nakaligtas.
Sinabi pa ng tagapagsalita, na walang indikasyon na may pagsabog na nangyari bago bumagsak ang eroplano.
Aniya, “At the moment we don’t have any data that there was an explosion.”
Sinabi naman ng isang airport spokesperson, na ang eroplano ay isang Boeing 737-400.
Sa isang press conference, sinabi ng pulisya na 12 katao ang inilikas mula sa bahay na tinamaan ng eroplano.
Ayon sa rescue services, ang eroplano ay tumama sa ground at sumadsad ng hindi bababa sa 100 metro (110 yarda), bago bumangga sa bahay.
Sinabi ng pinuno ng national national crisis management centre na iniimbestigahan na ang sanhi ng insidente.