Pagputok ng Bulkang Kanlaon mas naramdaman sa iba’t ibang bayan sa Negros

Matapos ang pag-aalburoto ng Bulkang Kanlaon kahapon, nabalot ng napakakapal na abo ang ilang mga bayan sa Negros Occidental.

Sa bayan ng Bago sa Barangay Mailum, ay puspusan ang paglilinis ng mga residente dahil sa napakakapal na abo na bumalot sa iba’t ibang parte ng kanilang bahay, mga bakuran, bubungan at sahig, matapos sumabog ng bulkan.

Maging ang mga taniman ay hindi rin nakaligtas sa ash fall na dala ng pagsabog ng Kanlaon.

Dahil dito ay napilitan ang marami na anihin na kahit hindi pa dapat ang kanilang mga pananim na gulay gaya ng talong.

Sa evacuation center naman sa Bago City Colliseum pansamantalang tumuloy ang mga residenteng lumikas.

Ang iba sa kanila ay nagmula pa sa iba’t ibang barangay na nakaranas ng epekto ng pagputok ng Kanlaon.

Samantala, agad namang nagpahatid ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa mga residenteng naapektuhan mula sa barangay sa Bago City.

Kabilang dito ang food packs at sleeping kits.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, nakahanda ang kanilang ahensiya sa mga tulong pa na ibibigay sa mga apektadong residente.

Bukod sa Bago ay nag-ikot din ang DSWD sa mga evacuation centers sa La Carlota at La Castellana para mamahagi ng tulong na pagkain.

Ayon kay Gatchalian, “Importante kasi mayroon silang steady supply para hindi sila mapilitang bumalik sa kanilang mga tahanan. We have to surround 80,000 family food packs, buong Negros Island region, actually we can augment that Cebu and IloIlo hubs, hindi tayo nangangamba na mauubusan tayo.”

Tiniyak din ng kagawaran na handa pa rin sila hanggang sa susunod na mga araw.

Sinabi ng kalihim, “May mga prepositioned goods tayo, so yun ang gagamitin muna kaya nagpapadala kami ng resupply tuloy tuloy yan from both regions. We have have enough stacks of family supply.”

Ang Bago City at La Carlota City ay nakumpleto na ang ginawang paglilikas, sa lahat ng nakatira sa 6 kilometer danger zone, yung mga nasa 7-8 kilometer naman ay nagsasagawa na rin ng preemptive measures para sa ikakasang evacuation.

Ang Office of the Civil Defense ay nakikipag-ugnayan na rin sa local government units (LGUs), para sa pagsasagawa ng kaukulang resource inventories upang masuportahan ang ginagawang response sa epekto ng pagsabog ng Kanlaon.

Earlo Bringas

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *