Resulta ng 2024 Bar Exams, ilalabas ngayong araw ng SC
Ilalabas na ngayong araw, December 13 ng Korte Suprema ang resulta ng 2024 Bar Examinations.
Naglagay na ng LED wall sa quadrangle ng Supreme Court sa Padre Faura Street sa Maynila kung saan ipakikita ang pangalan ng mga bagong abogado.
Bubuksan sa publiko ang SC quadrangle mula ika-12 ng tanghali hanggang ika-6 ng gabi para sa mga nais sumaksi sa pag-aanunsiyo ng resulta.
Ila-livestream din ng SC ang gagawing pag-aanunsiyo ng resulta ni 2024 Bar Exams Chair Mario Lopez sa opisyal na website, Facebook page at Youtube channel ng Korte Suprema.
Umabot sa mahigit 10,000 ang kumuha ng bar exams ngayong taon na isinagawa noong September 8, 11, at 15 sa 13 local testing centers sa bansa.
Samantala, sinabi ni Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo, na walang magiging pagbabago sa gagawing pag-aanunsiyo ng Korte Suprema sa mga nakapasa sa pagsusulit.
Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo / Courtesy: Supreme Court of the Philippines
Ito ay sa kabila ng desisyon kamakailan ng SC na nagsasabi na sensitibo at pribadong impormasyon ang mga grado ng bar examinees sa ilalim ng Data Privacy Law.
Ayon kay Gesmundo, ang ruling ay aplikable sa law schools na hinihingi ang mga marka sa bar exams ng kanilang estudyante at hindi sa pagsasapubliko ng SC ng bar passers.
Sinabi ni Gesmundo, “Just the same as the previous years. That is address with respect to institutions, law schools requesting specific informations. Because kapag pinagbawalan kami mag-release ng resulta, paano malalaman ng publiko? That resolution was specifically address certain law schools that would want to study how they perform during the bar exams.”
Sa nasabing ruling, binanggit ng Korte Suprema na hindi puwedeng ilantad ang mga indibidwal na marka ng examinees nang walang permiso mula sa mga ito.
Batay naman sa guidelines na pinagtibay ng SC para sa mga request sa bar grades disclosure, puwedeng aprubahan nito ang hiling ng law schools basta ang mga marka ay na-average na at hindi nakikilala ang examinees.
Ayon pa kay Gesmundo, “They want data from us , ang sabi namin, we can give you the data but we can’t give you the personal details of the bar candidates, that is the restriction but other data we can share it with you there should be a basis for the request also.”
Moira Encina-Cruz